November 28, 2024

Home BALITA National

Pag-display ng '10 Utos ng Diyos' sa mga paaralan, planong isulong sa Kamara

Pag-display ng '10 Utos ng Diyos' sa mga paaralan, planong isulong sa Kamara
(AP via MB)

Inihayag ni Citizens' Battle Against Corruption (CIBAC) Party-list Rep. Eddie Villanueva na plano niyang maghain ng isang panukalang batas sa Kamara na naglalayong atasan ang bawat paaralan sa bansa na i-display ang “10 Utos ng Diyos” o “10 Commandments.”

Sa isang pahayag nitong Biyernes, Hunyo 28, sinabi ni Villanueva na ang naturang panukala ay magiging isang "cost-efficient" na paraan upang muli raw buhayin ang "moral health" ng bansa.

Ipinaliwanag din ng mambabatas na makatutulong ito sa pagwawakas ng iba't ibang “moral, social, at political problems.”

“By displaying and teaching the 10 Commandments in our schools, we will be able to raise our youth in the fear of God, which is a key element for a stable and successful society,” ani Villanueva.

National

De Lima sa paggamit ng Duterte sa People Power: 'Galit sa mga aktibista pero gusto magpa-rally'

“The Bible states in Proverbs 22:6 that when we teach our children in their prime years the foundational values that make God-centered and humane citizens, they will live out those lessons throughout their lifetime,” dagdag niya.

Kasabay nito, sinabi rin ni Villanueva na balak niyang hilingin sa magiging bagong kalihim ng Department of Education (DepEd) na suportahan ang kaniyang panukala na i-display ang “10 Commandments” sa mga paaralan.

“I will propose to the new DepEd Secretary the posting of the Ten Commandments in our schools in order to promote the spiritual and moral well-being of the Filipino youth as mandated by the Constitution,” aniya. “I hope the incoming DepEd head will support it.”

Samantala, nilinaw ni Villanueva na ang “10 Utos ng Diyos” ay hindi lamang umano isang “religious tenet” na eksklusibo sa Kristiyanismo.

Binigyang-diin ng mambabatas na sa buong kasaysayan, kinikilala umano ng mga Kristiyano at di-Kristiyano ang “universal applicability” ng “Sampung Utos ng Diyos” sa paghubog ng mabubuting mamamayan. 

“It is more than just a set of religious teachings; the Commandments are a guide for nation building and social cohesion,” paliwanag niya.

Ayon pa sa mambabatas na isa ring pastor, ang kaniya raw ihahaing panukala ay hango sa isang kamakailang batas sa Louisiana, United States (US), na nag-uutos na ipakita ang “10 Utos ng Diyos” sa bawat silid-aralan ng mga pampublikong paaralan.

Bukod dito, isinusulong din ni Villanueva ang pagsasama ng “10 Commandments” sa subject na Good Manners and Right Conduct (GMRC) sa ilalim ng K-12 curriculum.

- Dexter Barro II