November 28, 2024

Home BALITA National

Netizen na nawalan ng ₱345k sa bank account, nag-sorry sa BDO

Netizen na nawalan ng ₱345k sa bank account, nag-sorry sa BDO
Photo Courtesy: Gleen Cañete

Naglabas ng public apology ang netizen na nawalan ng ₱345K sa passbook savings account na nasa ilalim ng Banco De Oro o BDO.

Sa Facebook post ng nagngangalang “Gleen Cañete” kamakailan, nilinaw niyang wala umanong kinalaman ang BDO sa nawalang pondo sa naturang account.

“Manghingi po ako ng paumanhin sa mismong banko BDO UNIBANK at gusto ko din po linawin na wala po silang kinalaman sa perang nawala sa account ng anak ko,” saad ni Gleen.

“Hindi po ako binayaran ng BDO para manahimik at i-delete ang aking live video. At wala pong nag-utos sa akin na mag-apologize,” sulat niya.

National

De Lima sa paggamit ng Duterte sa People Power: 'Galit sa mga aktibista pero gusto magpa-rally'

Dagdag pa ni Gleen: “Kusang-loob ko po itong ginawa dahil na-realize ko na hindi tama na masyado akong nagpadala sa bugso ng damdamin at lumabas sa social media.”

Kaya naman, binura niya agad ang ibinahagi niyang video na naglalaman ng sentimyento sa nangyari noong nalaman niya na mismong pamilya raw niya ang nag-withdraw ng naturang pera.

Bukod sa BDO, humingi rin ng paumanhin si Gleen sa mga kapuwa niya netizen dahil sa idinulot niyang pangamba. 

“Sana maintindihan n’yo rin ako at ako'y inyong mapatawad at maibalik ang tiwala n’yo sa akin bilang isang   ama na nagsikap para sa kanyang anak,” pahayag niya.

Sa huli, nagpaabot siya ng pasasalamat sa lahat at humiling na sana ay mawala na ang agam-agam ng bawat isa hinggil sa naturang isyu.

Matatandaang matapos mag-viral ang video ni Gleen ay naglabas din naman ng pahayag ang BDO Unibank sa pamamagitan ng isang social media post para linawin ang nangyari.

MAKI-BALITA: Netizen na nawalan ng ₱345K sa bank account, pamilya ang salarin?