Hinikayat ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region ang lahat ng local government units (LGUs) na magsagawa ng synchronized clean-up drive laban sa dengue sa kani-kanilang munisipalidad upang mapuksa ang mga mosquito breeding sites sa mga komunidad.
Ang panawagan ng DOH ay kasunod na rin nang pag-obserba ng bansa sa “Dengue Awareness Month” na may temang “Stop the Spread, Sama- Sama nating Sugpuin ang Dengue.”
Upang ipagdiwang ang okasyon, pinangunahan ng regional office ang Disease Prevention and Control Section - Communicable Diseases Unit sa pagdaraos ng information at educational campaign sa mga local chief executives at barangay health workers noong Hunyo 20, 2024 sa Sarrat, Ilocos Norte at sa Hunyo 24, 2024 sa Agoo, La Union upang itaas ang public awareness at isulong ang preventive control measures laban sa dengue.
Hinikayat din ni Medical Officer IV at Head of the Communicable Disease Prevention Unit Dr. Rhuel Bobis ang mga residente na lumahok sa dengue prevention efforts ng kanilang LGUs.
“Ang problema po sa dengue ay mabibigyan ng solusyon sa sama-sama nating pagtutulungan upang masugpo ang mga lamok na nagbibigay ng sakit na ito,” aniya. “Patuloy po naming pinapaalala ang pagsunod sa 4S strategy at ito ay ang Search and destroy mosquito breeding places, paggamit ng Self-Protection gaya ng pagsusuot ng mga long-sleeves at pants at paggamit ng anti-mosquito repellant, Seek consultation kung kayo ay may nararamdamang lagnat at sintomas ng dengue, at Support for fogging kung may outbreak sa inyong lugar.”
Namahagi rin naman ang regional office sa mga residente ng Sarrat ng mga long lasting insecticide treated nets at insecticide para sa misting operation habang nagdaos naman sa Agoo ng poster-making contest.
Batay sa datos, noong Enero 1, 2024 hanggang Hunyo 8, 2024, nakapagtala ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng kabuuang 1,047 dengue cases na 25.8% na mas mababa kumpara sa naitalang kaso sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon na nasa 1,411 kaso at tatlong patay.
Mula naman Hunyo 2-8, 2024, kabuuang 47 kaso ang naitala, kung saan ang 27 ay naiulat sa Ilocos Sur; 11 naman sa Pangasinan; walo sa La Union; at isa sa Dagupan City. Wala namang naitalang kaso ng dengue ang lalawigan ng Ilocos Norte.
Pinakaapektado umano ng sakit ang mga batang 5-9 taong gulang lamang dahil sila ang madalas na maglaro sa labas ng kanilang bahay at lantad sa mga lamok.
Pinaalalahanan naman ni Bobis ang publiko na pinakamabisa pa ring paraan upang makaiwas sa dengue ang pag-iwas na makagat ng lamok.