Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Huwebes, Hunyo 27, ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).
Sa public weather forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Aldczar Aurelio na huling namataan ang LPA 45 kilometro ang layo sa east northeast ng Dipolog City, Zamboanga del Norte.
Mababa naman daw ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA.
“Ito'y kikilos pa-northweastward, at maaari pong dumaan sa Sulu Sea. Nakapaloob ito sa Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ),” ani Aurelio.
Dahil sa LPA at ITCZ, inaasahan daw ang maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Dinagat Islands, Visayas, MIMAROPA, Bicol Region, Quezon, Laguna, at Rizal sa susunod na 24 oras.
Samantala, posible rin ang ang maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Aurora and Quirino dahil naman sa easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Bukod dito, ayon sa PAGASA, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms ang Metro Manila, mga natitirang bahagi ng CALABARZON, at mga natitirang bahagi ng Mindanao dulot pa rin ng ITCZ. Gayundin daw ang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod naman ng localized thunderstorms.
Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.