December 23, 2024

Home BALITA

Manuel sa 'di pagdalo ni Bato sa pagdinig ng Kamara sa 'drug war': 'Takot yarn?'

Manuel sa 'di pagdalo ni Bato sa pagdinig ng Kamara sa 'drug war': 'Takot yarn?'
MULA SA KALIWA. Rep. Raoul Manuel at Sen. Bato dela Rosa (file photo)

Inalmahan ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ang naging pahayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hindi siya dadalo sa pagdinig ng Kamara hinggil sa “war on drugs” ng administrasyong Duterte dahil sa payo ni Senate President Chiz Escudero.

Matatandaang noong Martes, Hunyo 25, nang sabihin ni Dela Rosa na nagdesisyon siyang hindi dumalo sa pagdinig ng Kamara dahil sa payo umano ni Escudero.

Sa isa namang Facebook post nitong Miyerkules, Hunyo 26, iginiit ni Manuel na hindi dapat hayaang magpalusot ang senador upang hindi makadalo sa pagdinig.

“Takot yaaarn?!? Dapat hindi hayaang magpalusot ang senador na former PNP chief,” ani Manuel.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“I know of a House member who attended a Senate hearing during their term without asking the advice or recommendation of the House leadership. The same should apply to senators... with all due respect. Just saying,” saad pa niya.

Si Dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) nang simulan ang madugong giyera kontra droga sa bansa, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

MAKI-BALITA: FPRRD, Sen. Bato imbitado sa pagdinig ng Kamara sa ‘drug war killings’

Kaugnay nito, inihayag ni human rights lawyer Chel Diokno kamakailan na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.

MAKI- BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno