Nagpahayag ng suporta si Senador Risa Hontiveros para sa tatlong nais niyang tumakbo bilang senador sa 2025 midterm elections.
Sa isang Facebook post nitong Miyerkules, Hunyo 26, nagbahagi si Hontiveros ng isang larawan kasama sina dating Senador Kiko Pangilinan, dating Senador Bam Aquino, at human rights lawyer Chel Diokno.
“Ito ang tatlo ko! Atty. Chel Diokno Kiko Pangilinan Bam Aquino ,” ani Hontiveros.
Nagbigay naman ng komento si Aquino sa post ng senadora at sinabing: “Dagdagan natin si Senator Risa ng resbak sa Senado. Tara, G? .”
Bago naman ang naturang post ni Hontiveros, nagbahagi si Aquino sa kaniyang Facebook page ng larawa n nila nina Pangilinan at Diokno.
“Uhmm hello guys #ParaSaPILIPINAS ,” caption ni Aquino sa naturang post.
Kamakailan lamang ay kinumpirma ni Aquino na tatakbo siya bilang senador, habang hindi pa naman pormal na inaanunsyo nina Pangilinan at Diokno ang hinggil dito.
MAKI-BALITA: Bam Aquino, tatakbong senador sa 2025: 'Naghahanda na kami'
Samantala, ang matatandaang noong Martes, Hunyo 25, nang kumpirmahin ni Vice President Sara Duterte na tatakbo bilang senador sa 2025 ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, maging ang kaniyang mga kapatid na sina Davao Congressman Paolo Duterte at Davao City Sebastian Duterte.
MAKI-BALITA: Tatlong Duterte, tatakbo sa pagka-senador sa 2025