Tila mas dumami pa ang katanungan ni Senador Risa Hontiveros nang mapasakamay niya ang dokumento mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na may isa pang babae ang may pangalang “Alice Leal Guo.”

Isinapubliko ni Hontiveros ang dalawang NBI document kung saan mayroong dalawang “Alice Leal Guo” at pareho rin sila ng birthday na Hulyo 12, 1986.

Ang isa rito ay si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Photo from Senator Risa Hontiveros/FB

“Napakadami ko pong katanungan. Is it a coincidence na may dalawang Alice Leal Guo na pinanganak on July 12, 1986, sa Tarlac?” pagtatanong ni Hontiveros.

“Is it a coincidence that this NBI clearance was applied for just a few days before the date of filing of the delayed registration of birth of the other Alice Leal Guo in Tarlac City? Or is this a case of stolen identity?

“Has Guo [Hua Ping] assumed the identity of a Filipino woman and then nearly a decade later, ran for public office?

“Sino po ang babaeng ito na may pangalang Alice Leal Guo pero hindi kamukha ni Mayor? Nasaan na po siya ngayon?” tanong pa ng Senadora.

Photo from Senator Risa Hontiveros/FB

Kamakailan, naglabas si Senador Win Gatchalian ng isang dokumento na nagsasabing may posibilidad umanong “Guo Hua Ping” ang tunay na pangalan ni Mayor Alice.

“Alice Guo might be Guo Hua Ping, who entered the Philippines on January 12, 2003 when she was 13 years old. Her real birth date is on Aug 31, 1990,” ani Gatchalian sa mga mamamahayag.

Gayunman, itinanggi ni Guo na siya si Guo Hua Ping.

BASAHIN: Mayor Alice Guo, may tunay nga bang pangalan na ‘Guo Hua Ping’?

Samantala, hindi nakadalo ngayong Miyerkules sa Senate hearing si Guo dahil siya “sick and stressed,” ayon sa kaniyang abogadong si Atty. Stephen David.

Habang isinusulat ito, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Guo tungkol sa mga katanungan ni Hontiveros o tungkol sa isa pang Alice Leal Guo.