Tila ayaw paawat ni showbiz insider Ogie Diaz sa pagbabalita patungkol kay Kapuso star Bea Alonzo, na may kinalaman naman ngayon sa love life nito.

Sa latest episode ng "Ogie Diaz Showbiz Update," na-ispluk ni Ogie na may nakakita raw kay Bea na may kasamang lalaki sa airport.

"Kung maalala natin no, si Bea Alonzo nga, ay dineny niya na siya ay may boyfriend na... sinabi ni Bea na siya ay single at hindi siya in love. So dineny niya," ani Ogie.

"So dineny ka niya," sundot naman ni Mama Loi na ikinatawa naman ni Ogie.

Tsika at Intriga

Baron Geisler, lagi raw may kontak sa anak niya kay Nadia Montenegro

Si Ogie kasi ang nag-ispluk na may nasagap daw siyang tsika na may bago na ulit love life ang aktres.

"Pero siyempre naiintindihan naman natin si Bea kung saan siya nanggagaling. Pero 'yon nga, may nakarating lang naman sa akin... sinasabi sa akin ng source ko, 'Sino 'yong kasama ni Bea sa airport, lulan sila ng Cathay Pacific, siguro mga a week ago. 'Yon nga, parang may kasama raw na foreigner si Bea, pero magkahiwalay raw sila..."

Tinanong pa raw siya ng source niya kung ito raw ang lalaking ibinabalita niya. Sey naman ni Ogie, hindi raw niya kilala kung sino ang sinasabing bagong love life ni Bea, pero ang afam daw na naispatang kasama ni Bea sa airport ay ex-boyfriend ng beauty queen-actress na si Kylie Verzosa.

Sa puntong ito ay sinabi ni Ogie na wala siyang alam sa mga detalye at mas mainam na si Bea na lang daw ang sumagot.

Kung anuman daw ang rason ni Bea kung bakit hiwalay silang pumasok at lumabas sa eroplano ng paliparan, pabiro pang sinabi ni Ogie na baka naniniwala sila sa "Feng Shui" na kailangang hiwalay sila at walang makakita. On a serious note, baka ayaw lang daw madiskaril ni Bea ang kaniyang personal na buhay lalo na pagdating sa buhay pag-ibig.

Kung sakali man daw na i-deny ni Bea ito, ang source daw ni Ogie ang may mali.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Bea patungkol sa balitang ito ni Ogie. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.