Kinondena ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang napipintong pagtakbo nina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Congressman Paolo “Pulong” Duterte, at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang mga senador sa 2025.
Matatandaang kinumpirma mismo ni Vice President Sara Duterte ang tungkol dito.
BASAHIN: Tatlong Duterte, tatakbo sa pagka-senador sa 2025
"This is the height of bureaucrat capitalism, where a single family wants to control every aspect of a nation's politics. Ginagawang negosyo ang pagtakbo sa posisyon sa gobyerno ‘di lang para mangurakot pero para pagtakpan din ang mga kasalanan nila sa mamamayan. Ginawa na ito ng pamilya Marcos ngayon ang mga Duterte naman ang gustong pumalit,” saad ni Castro.
Dagdag pa ni Castro, ang naturang pahayag ni VP Sara ay nangangahulugan may bakbakan sa pagitan ng mga Duterte at mga Marcos.
"Sa sinabing ito ni VP Duterte makikita na magiging all out na ang bakbakan sa pagitan ng dalawang paksyon ng naghaharing uri. Ang mga Duterte na backer and Tsina at ang mga Marcos naman na ang US ang backer.”
Sa huli, nanawagan si Castro sa mga Pilipino na manatiling mapagbantay at labanan ang political dynasties.