Matapos magbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na wala siyang planong bumaba sa pwesto bilang bise presidente ng bansa.
Sa eksklusibong panayam ng GMA Integrated News, sinabi ni Duterte na walang diskusyon hinggil sa kaniyang pagbibitiw sa Office of the Vice President (OVP).
"Walang discussions about resigning sa Office of the Vice President," ani Duterte.
"Nakatutok na tayo ngayon sa Office of the Vice President. Meron kaming sampung projects sa Office of the Vice President," saad pa niya.
Matatandaang noon lamang Miyerkules, Hunyo 19, nang magbitiw si Duterte bilang DepEd secretary.
Kaugnay nito, sa naturang panayam ng GMA Integrated News ay sinabi ni Duterte na nalulungkot siya sa kaniyang naging pagbibitiw dahil minahal daw niya ang kaniyang trabaho sa DepEd.
Gayunpaman, ang kaniya raw pagkonsidera sa ikabubuti ng DepEd ang nag-udyok sa kaniya upang magbitiw sa pwesto.