Iginiit ni dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan na isang malaking dagok sa sistema ng katarungan ng bansa ang pagpapaabot ng mahigit pitong taon bago maabsuwelto ni dating Senador Leila de Lima sa lahat ng kaniyang mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

Nito lamang Lunes, Hunyo 24, nang ibasura ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) ang ikatlo at huling kasong isinampa kay De Lima sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Kaugnay nito, sinabi ni Pangilinan sa isang X post na simula pa lamang daw ay sinasabi na nilang gawa-gawa lamang ang mga paratang na inihain laban sa kapwa niya dating senador.

National

Leila de Lima, pinawalang-sala sa huling drug case

“Ito ang sinasabi natin mula ‘nung umpisa. Gawa-gawa lang at kasinungalingan ang mga paratang laban kay Sen. Leila de Lima,” ani Pangilinan.

“Ang mapait na realidad ay inabot ng mahigit pitong taon bago ito mapagpasyahan ng hukom. Bakit? Isang malaking dagok sa sistema ng katarungan na umabot nang ganitong katagal bago ma-dismiss ang kaso,” saad pa niya.

Matatandaang unang nakulong si De Lima noong 2017 dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison, bagay na paulit-ulit niyang itinanggi.

Pinawalang-sala naman ng korte ang una niyang drug case noong 2021, habang ibinasura rin ang ikalawa noong Mayo 2023.

https://balita.net.ph/2023/05/12/de-lima-pinawalang-sala-sa-isa-pang-drug-case/

Nobyembre 2023 naman nang payagan ng Muntinlupa court si De Lima na magpiyansa ukol sa naturang natitira niyang drug case, na ibinasura nitong Lunes.

https://balita.net.ph/2023/11/13/makakalaya-na-de-lima-pinayagang-magpiyansa/

Samantala, matatandaan namang naging magkakampi sina Pangilinan at De Lima noong nakaraang eleksyon, kung saan lumaban bilang bise presidente ang una habang bilang senador naman ang huli.