Nagbigay ng tribute si dating senador at vice presidential candidate Atty. Kiko Pangilinan sa yumaong pangulo ng bansa na si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III para sa ikatlong anibersaryo ng pagpanaw nito.
Sa pamamagitan ng social media posts ay sinariwa ni Atty. Kiko kung paano maging isang lider at kaibigan si PNoy.
"Mabuting tao, mahusay na lider, napakaraming natulungan. Napakabuting kapatid, kaibigan, at lingkod-bayan. Huwarang anak ng mga bayani, ng tunay na anak ng bayan," aniya.
"Ito ang PNoy na aking nakilala at nakasama sa Senado at bilang parte ng kanyang gabinete."
"Ngunit ang hindi matatawaran na kanyang kontribusyon ay ang pagtatanggol niya sa ating karagatan. Hindi naging hadlang sa kanya ang laki ng kalaban."
Nabanggit pa ng dating senador ang kasalukuyang sigalot sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at sundalong Chinese kaugnay ng West Philippine Sea.
"Inaalala natin ang kanyang nagawa sa gitna ng lantarang pananakop sa ating karagatan at pananakot sa ating mga mangingisda. Nawa’y hindi tuluyang mabalewala ang kanyang pinaghirapan."