Ibinasura ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) ang ikatlo at huling kaso ni dating Senador Leila de Lima kaugnay ng ilegal na droga nitong Lunes, Hunyo 24.
Ipinagkaloob ng Muntinlupa City RTC Branch 206 ang “demurrer to evidence” ni De Lima, dahilan ng kaniyang pagka-absuwelto sa huli niyang drug case.
Dahil sa desisyon ng korte, naibasura na ang lahat ng mga kasong inihain laban kay De Lima sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang unang nakulong si De Lima noong 2017 dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison, bagay na paulit-ulit niyang itinanggi.
Pinawalang-sala naman ng korte ang una niyang drug case noong 2021, habang ibinasura rin ang ikalawa noong Mayo 2023.
Nobyembre 2023 naman nang payagan ng Muntinlupa court si De Lima na magpiyansa ukol sa naturang natitira niyang drug case, na ibinasura nitong Lunes.
https://balita.net.ph/2023/11/13/makakalaya-na-de-lima-pinayagang-magpiyansa/