Isang armadong lalaki, na may hinahabol umanong kaaway, ang patay nang barilin ng isang rumespondeng pulis sa Tondo, Manila nitong Linggo ng gabi, Hunyo 23.

Naisugod pa sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay ang suspek na si Jonathan Marcial, 33, ng General Trias, Cavite dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, isinasailalim na sa imbestigasyon ang pulis na si PCPL Jonenick Gueta, 33, at nakatalaga sa Police Station 12 ng Manila Police District (MPD).

Batay sa ulat ng MPD-Homicide Section, dakong alas-6:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa 2nd Floor Hallway ng Building 25, ng Permanent Housing sa Tondo.

Metro

Presyo ng manok, papalo ng ₱250 kada kilo

Lumilitaw sa imbestigasyon na bago ang insidente ay armado ng isang baril ang suspek at hinahabol ang isang alyas ‘Jody’ sa naturang lugar.

Nakarating umano sa kaalaman ng pulis, na residente ng lugar, ang pangyayari kaya’t kaagad itong rumesponde.

Nang makitang armado ang suspek, kaagad umanong nagpakilala si Gueta bilang pulis, ngunit sa halip na sumuko ay itinutok pa umano nito ang baril sa kanya.

Nakaramdam ng panganib sa kaniyang buhay, napilitan umano ang pulis na barilin ang suspek upang depensahan ang kanyang sarili.

Kaagad rin namang naisugod sa pagamutan ang suspek ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.