Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Lunes, Hunyo 24, na ang southwest monsoon o habagat at easterlies ang kasalukuyang nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan.

Maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms din ang posibleng maranasan sa Eastern Visayas, Surigao del Norte, at Dinagat Islands bunsod naman ng easterlies, o ang mainit na hanging nanggagaling sa karagatang Pasipiko.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

National

Magnitude 4.2 na lindol, yumanig sa Batanes

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms ang Metro Manila, Cavite, Batangas, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro dahil sa habagat, maging ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.

Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).