Matapos mapawalang-sala sa kaniyang ikatlo at huling illegal drug case, ipinahayag ni dating Senador Leila de Lima na si dating Pangulong Rodrigo Duterte raw ngayon ang mananagot kaugnay ng naging madugong “war on drugs” sa ilalim ng administrasyon nito.

Nito lamang Lunes, Hunyo 24, nang ibasura ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) ang ikatlo at huling kasong isinampa kay De Lima sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Kaugnay nito, sa panayam ng mga mamamahayag na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni De Lima na isa lamang siya sa mga Pilipinong naging biktima ng madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.

National

Leila de Lima, pinawalang-sala sa huling drug case

“Ito po ang message ko sa dating pangulo, kay Ginoong Duterte: Kayo ngayon ang mananagot sa mga kasalanan niyo sa taumbayan,” ani De Lima.

“Isa lang po akong biktima. Libo-libong mga Pilipino ang mga pinaslang nila noong nakaraang madugo at pekeng war on drugs. Maraming pamilya ang naulila. ‘Yung iba nga hindi nga pinatay pero nabubulok naman sila sa mga kulungan dahil sa mali at baluktot na pagpapatupad ng batas. Isa po ako na nakadanas niyan, ng walang katuturang pagpapakulong,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni De Lima na ngayong wala na siyang kinahaharap na kaso ay mas determinado pa raw siyang tulungan ang International Criminal Court (ICC) sa imbestigasyon nito sa drug war ni Duterte.

“Pagkatapos ng pitong taon, mas handa po akong ituloy ang laban. Siya ngayon ang mananagot (Duterte). Kailangan panagutin dahil wala namang nangyayari dito sa Pilipinas,” saad ni De Lima.

Matatandaang unang nakulong si De Lima noong 2017 dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison, bagay na paulit-ulit niyang itinanggi.

Pinawalang-sala naman ng korte ang una niyang drug case noong 2021, habang ibinasura din ang ikalawa noong Mayo 2023.

https://balita.net.ph/2023/05/12/de-lima-pinawalang-sala-sa-isa-pang-drug-case/

Nobyembre 2023 naman nang payagan ng Muntinlupa court si De Lima na magpiyansa ukol sa naturang natitirang drug case, na ibinasura nitong Lunes.

https://balita.net.ph/2023/11/13/makakalaya-na-de-lima-pinayagang-magpiyansa/