Ginunita ni dating Senador Leila de Lima ang ikatlong anibersaryo ng pagpanaw ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ngayong Lunes, Hunyo 24, 2024.

“Three years ago today, a good man and a good leader joined our Creator,” ani De Lima sa kaniyang X post.

Ibinahagi rin ng dating senador na magkahalo ang emosyong kaniyang nararamdamanan tuwing inaalala niya ang dating pangulo na kilala rin bilang “PNoy.”

“Remembering PNoy always comes with mixed emotions. Hindi maiiwasan 'yung sobrang lungkot sa maaga niyang pagkawala,” aniya.

“Pero sa pagkakilala rin namin sa kanya, hindi rin niya gugustuhin na alalahanin sya sa ganung paraan, kundi sa masasayang kuwentuhan, biruan, at sa kung gaano kalayo ang tagumpay na narating ng kanyang administrasyon—ng pinangunahan niyang pagtahak sa tuwid na daan.”

Ayon pa kay De Lima, palaging nakasuporta sa kaniya si PNoy mula nang piliin siya nito bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ) sa gitna ng termino nito bilang pangulo ng bansa.

“I will always be thankful for him for not losing faith in me. He always assured me of his support—from the time he chose me as then Justice Secretary to the most difficult chapter in my life. Maraming salamat, PNoy. Miss you Sir…” saad ni De Lima.

Si PNoy, ang nagsilbing ika-15 pangulo ng Pilipinas mula 2010 hanggang 2016. Siya ay anak nina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino.

Pumanaw siya noong Hunyo 24, 2021 sa edad na 61 dahil sa sakit.