Nagsagawa ng espesyal na "graduation rights (rites)" ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga estudyanteng bahagi ng LGBTQIA+ community na pinagbawalan o hindi nakapagmartsa sa sariling graduation ceremony ng kani-kanilang paaralan dahil sa mga ipinatutupad na "dress code restrictions."
Sa mga kuhang larawan ni Hannah Nicol ng Manila Bulletin, makikita ang daan-daang estudyante mula sa mga paaralan sa Quezon City na dumalo sa nabanggit na pagtitipon habang nakasuot ng puting toga.
Ang kanilang graduation cap naman ay kulay-rainbow na sumisimbolo sa LGBTQIA+ community. Pinangunahan ito ni Quezon City Mayor Joy Belmonte. Panauhin din nila si Frontline Pilipinas showbiz news anchor KaladKaren Davila o Jervi Li.
Ang Quezon City ay isa sa mga "LGBTQIA+ community-friendly" na lungsod sa Metro Manila. Sa katunayan, isasagawa sa Quezon City Memorial Circle ang "Love Laban 2 Pride Festival" na inorganisa ng Pride PH para sa pagdiriwang ng Pride Month ngayong buwan ng Hunyo.
Inaasahang dadaluhan ito ng mga sikat na personalidad na bahagi ng komunidad at allies, kabilang na si Unkabogable Star at "It's Showtime" host Vice Ganda.