Ipinagdiriwang ngayong Lunes, Hunyo 24, ang ika-453 ‘Araw ng Maynila’ (Manila Day), isang espesyal na holiday sa siyudad ng Maynila, bilang paggunita sa araw ng pagkakahirang nito bilang kabisera ng Pilipinas.

Sa espesyal na araw na ito, ginugunita rin ang pagkakaroon ng mayaman at makulay nitong nakaraan, lalo na sa ambag nito sa kultura ng bansa. Nagbibigay-pugay rin ito sa mga kumpanya, mga opisyal at mga indibidwal na nakatulong sa pag-unlad ng siyudad.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Ang Maynila ay binubuo ng 16 na distrito: ang Binondo, Ermita, Intramuros, Malate, Paco, Pandacan, Port Area, Quiapo, Sampaloc, San Andres, San Miguel, San Nicolas, Santa Ana, Santa Cruz, Santa Mesa at Tondo.

Bukod sa pagiging kabisera ng bansa, sadyang makasaysayan ang Maynila dahil sa iba’t ibang mahahalagang okasyong isinagawa rito.

Unang iprinoklama ng dating Bise-Alkalde ng Maynila na si Herminio A. Astorga ang araw ng Maynila noong Hunyo 24, 1962. Matapos naman ang tatlong taon, opisyal na nanumpa ang dating Pangulo ng Pilipinas na si Diosdado Macapagal, na ipinapakilala na ang araw ng Hunyo 24, 1965 ay isang espesyal na holiday sa siyudad ng Maynila, bilang paggunita sa araw ng pagkakahirang nito bilang kabisera ng Pilipinas.

Batay sa Kasaysayan ng Maynila, noong ika-13 siglo, ang sinaunang lungsod na sentro ng kalakalan ay binubuo ng mga tindahan at opisinang tagatanggap sa may tabi ng baybayin ng ilog Pasig, na nasa hilaga ng mga makalumang pamayanan. Ang opisyal na pangalan na binigay ng mga Malay sa lungsod ay Seludong o Selurung, na ginamit din sa isang rehiyon sa pulo ng Luzon, at inimumungkahi na ito ang kabisera ng kaharian ng Tondo.

Ang lungsod ay nakilala rin sa pangalan na binigay ng mga pangkat etnikong mga Tagalog, ang Maynila, unang nakilala bilang Maynilad. Nagmula ang pangalang “Maynila” sa “Nilad” na tumutubo at lumalago sa mga ilog kaya tinawag itong “Maynilad” o ang lugar kung saan tumutubo ang mga halamang “nilad”, isang uri ng halamang mabulaklak na tumutubo sa baybayin ng look.

Sa kasalukuyang panahon, ang Maynila pa rin ang nananatiling kabisera ng ating bansa dahil sa mayamang kultura at kasaysayang mayroon ito. Matatandaan pang tinangkang baguhin ang kabisera ng bansa at ilipat ito sa Lungsod ng Quezon sa pamamagitan ng paglipat ng mga opisina dito. Ngunit hindi naman ito nagpatuloy na siyang hindi nito ikinatagumpay at nananatiling nasa siyudad pa rin ng Maynila ang kapital pa rin ng ating bansa.

Sa muling pagdiriwang ng araw ng Maynila, patuloy na sariwain at muling balikan ang makulay at mahahalagang detalye nitong taglay. Hindi lamang ito espesyal na araw sa mga taga-Maynila, bagkus ay para sa lahat. Pagnilayan ang pagkakaroon ng taglay nitong yaman at makulay nitong nakaraan, maging sa kultura at pamana ng siyudad na magpa-hanggang sa ngayon ay ating nakakamtan.