Kasalukuyang hinahanap ni Star Magic head Lauren Dyogi ang tinangay na standee ni BINI member Sheena Catacutan sa ginanap na “BINI Day” sa One Ayala, Makati.

Sa isang Instagram reels na ibinahagi ng Star Magic noong Huwebes, Hunyo 20, nanawagan si Direk Lauren na ipagbigay-alam sa kanila ang anomang impormasyong makakatulong upang matunton ang naturang standee.

“Ngayon po naglulunsad kami ng isang magandang kampanya: 'Finding Sheena.' So, tulungan n'yo po kami na magbigay po ng impormasyon kung sino po ang makakapagbalik ng standee ni Sheena,” saad ni Direk Lauren.

“Magkakaroon po ng magandang reward. Isang surprise na reward sa mga darating na panahon,” wika niya.

Kapatid ni Rico Yan, 'di ipinagbabawal pagbisita sa puntod ng aktor

Pero paglilinaw ni Direk Lauren: “Kailangan po hindi kayo ang kumuha no'n, ha.”

View this post on Instagram

A post shared by BINI_ph (@bini_ph)

Tila hindi naman inakala ni Sheena na darating sa puntong gagawan pa ng video si Direk Lauren para ipanawagan ang nawawala niyang standee.

Ayon sa kaniya: “d ko inakala na dadating sa point na gagawan ng video ni direk lauren yung nawawalang standee ko… guys i made it”

Samantala, maaari namang gamitin ang #SheenahanaphanapKita para sa mga makapagbabalik ng standee ni Sheena.