Inanunsiyo ng Department of Health (DOH) na tinaasan na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang financial support para sa hemodialysis at ancillary services.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, na siyang chairperson ng PhilHealth Board, sa direksiyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mungkahi ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ginawang prayoridad ng PhilHealth Board of Directors na maitaas ang kanilang package rate para sa  hemodialysis sa P4,000 kada session.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Sinabi ni Herbosa na base na rin sa rekomendasyon ni Benefits Committee Chairperson OIC Assistant Secretary Albert Domingo, inaprubahan ng PhilHealth Board ang naturang increase mula sa kasalukuyang P2,600 kada session.

Inaprubahan din ng Board ang catheter insertion at blood transfusion payments na maaaring hiwalay na i-claim mula sa main case rate para sa admission.

Nabatid na sa kanilang regular na pulong nitong Biyernes, tinalakay ng PhilHealth Board en banc ang pagpapahusay sa financial coverage para sa Renal Replacement Therapy (RRT), na kinabibilangan ng Hemodialysis at Peritoneal Dialysis.

Ang susunod umanong hakbang ay isang detalyadong PhilHealth Circular at operationalization ng PhilHealth Management upang matiyak na ang pinahusay na benepisyo ay maaari nang mai-claimed.

Anang DOH, sakop ng RRT ang mga opsiyon para sa dialysis na lunas sa kidney failure ngunit hindi naman tuluyang nakakagamot at sa halip ay nakakapagpahaba lamang ng buhay ng mga end-stage kidney failure patients.