Naniniwala si Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos Sr. na 'naipit' na si Vice President Sara Duterte at wala na itong ibang alternatibo kundi ang magbitiw sa puwesto bilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ginawa ni Abalos ang pahayag matapos na mahingian ng reaksiyon ng mga miyembro ng media, sa kaniyang pagdalo sa 'MACHRA's Balitaan' na buwanang idinaraos ng Manila City Hall Reporters' Asociation sa Harbor View Restaurant sa Maynila.
Ayon kay Abalos, nakinita na niya ang pagbibitiw ni VP Sara sa gabinete dahil na rin sa nagaganap na umano’y sigalot sa pagitan ng ama nitong si dating Pangulong Rodrigo Duterte at ni Pangulong Marcos, na kaalyado naman ng bise presidente sa politika.
"I have foreseen that," aniya.
"Nakakaawa naman siya (VP Sara). Syempre, between your father and your family and your loyalty to the party, 'yun ang nangyari sa kaniya so, she has no alternative but to resign," dagdag pa ng alkalde.
Sinabi pa ni Abalos na matapos ang pagbibitiw ni Duterte bilang DepEd Secretary at Vice-Chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ay tiyak na magkakaroon ng realignments sa mga susunod na araw.
Aniya pa, kahit walang naganap na pagbibitiw, maaari pa rin umanong magkaroon ng realignment dahil ang pagsasanib-puwersa aniya ni VP Sara at ni PBBM noong nakaraang eleksiyon ay pansamantala lamang.
"Magkakaroon siyempre ng realignments although as a matter of fact, even without this, sigurado ‘yan meron tayong realignments... temporary lang naman ang union nung nakaraan. Kitang-kita naman natin na may kaniya-kaniya. Ganyan naman talaga ang politika, walang permanenteng kaibigan, walang permanenteng kaaway, dagdag pa ni Abalos.
Samantala, para naman sa bise presidente, hindi raw lulan ng kahinaan ang pagbibitiw niya bilang Kalihim DepEd.
BASAHIN: VP Sara sa pagbibitiw bilang DepEd Secretary: ‘Hindi lulan ng kahinaan’
https://balita.net.ph/2024/06/19/vp-sara-sa-pagbibitiw-bilang-deped-secretary-hindi-lulan-ng-kahinaan/