Isang araw matapos magbitiw ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na patuloy na isusulong ng kaniyang administrasyon ang kalidad na edukasyon sa rehiyon ng Caraga.

Matatandaang nitong Miyerkules, Hunyo 19, nang magbitiw si Duterte bilang DepEd secretary dala umano ng tunay niyang malasakit para sa mga guro at kabataang Pilipino.

MAKI-BALITA: VP Sara sa pagbibitiw bilang DepEd Secretary: ‘Hindi lulan ng kahinaan’

Samantala, sa kaniyang talumpati sa gitna ng pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa Surigao del Sur nitong Huwebes, Hunyo 20, na inulat ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni Marcos na mas pagbubutihan nila ang quality education at accessible healthcare service sa Caraga region.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

“Maaasahan din ninyo ang patuloy na pagsulong namin ng edukasyon at kalusugan dito sa Caraga,” ani Marcos.

Binanggit din ng pangulo na naglabas ang pamahalaan ng ₱1.7 bilyon para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan at humigit-kumulang ₱453 milyon para sa pagkukumpuni ng mga lumang silid-aralan.

Layunin daw ng administrasyong magtayo ng 544 na bagong silid-aralan sa Caraga at ayusin ang nasa 704 na lumang silid-aralan sa buong rehiyon.

Ayon pa kay Marcos, naglabas ang Commission on Higher Education (CHED) ng humigit-kumulang ₱1.6 bilyon para sa iba't ibang programa ng komisyon na may kabuuang 176,634 scholar beneficiaries ng Caraga.

Mayroong humigit-kumulang 284 na benepisyaryo na naka-enrol sa ilalim ng CHED Scholarship Program para sa Coconut farmers at kanilang mga pamilya, na nagpapalawak ng educational opportunities sa mga kwalipikado at karapat-dapat na coconut farmers at kanilang mga pamilya na nakarehistro sa ilalim ng National Coconut Farmers Registry System (NCFRS).

Sa kabilang banda, naglabas daw ang administrasyong Marcos ng kabuuang ₱846.70 milyon para sa Health Facilities Enhancement Program, na sumasaklaw sa 104 health facilities sa pamamagitan ng pagbili ng mga medical equipment, pagpapalakas sa primary care, at pagbawas ng maternal and infant mortality rates sa rehiyon.