Inaanyayahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga fur parents, na residente ng lungsod, na samantalahin ang libreng anti-rabies vaccination na idaraos sa Sabado, Hunyo 22, upang mapabakunahan ang kanilang mga fur babies.

Ayon kay Lacuna, ang naturang vaccination program ay joint effort ng Manila City govenment, JCI Manila at ng Veterinary Inspection Board (VIB) ng Maynila.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Hindi lang naman aso, kundi pati mga pusa, ang maaaring pabakunahan sa nasabing aktibidad.

Sinabi ni Lacuna na layunin ng programa na makatulong na matiyak ang kaligtasan ng mga alagang hayop at pusa, higit lalo ang mga miyembro ng komunidad, laban sa rabies.

Nabatid na isasagawa ang programa mula 8:00AM hanggang 11:00AM sa Canonigo Basketball Court sa Pres. Quirino Extension, sa Paco, Maynila.

Bukod sa pagbabakuna, mamimigay rin ang lokal na pamahalaan ng mga giveaways, gayundin ng mga flyers, na naglalaman ng mga impormasyon hinggil sa tamang paraan nang pag-aalaga sa aso o pusa, paano sila mapapanatiling malusog at mga tamang gawin sakaling makagat o makalmot ng hayop.

Binigyang-diin ni Lacuna, na isa ring doktor, ang kahalagahan ng pag-a-avail ng libreng anti-rabies vaccination para sa fur babies.

Paliwanag ni Lacuna, ang rabies ay nakamamatay at maaaring maihawa ng hayop sa tao.

Aniya pa, kung bakunado ang alaga ay protektado sila laban sa rabies, at magiging mas malusog at aktibo rin.

Hinikayat pa ng alkalde ang mga residente na makipagtulungan sa kanila upang matiyak na ang lahat ng alagang hayop sa lungsod ay bakunado.

Maaari rin naman aniyang magtungo sa mga health centers upang makapag-avail ng libreng serbisyo.