Patay ang isang paslit matapos na masagasaan ng van habang tumatawid sa kalsada sa Tondo, Manila nitong Miyerkules.

Naisugod pa sa Ospital ng Tondo ang biktimang si Khurt Jan Castillo, 3, ng Solis St., Tondo, ngunit namatay rin habang nilalapatan ng lunas bunsod ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Metro

Presyo ng manok, papalo ng ₱250 kada kilo

Arestado naman at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang suspek na si Leonard Garbin ng Tandang Sora, Quezon City.

Batay sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na dakong alas-10:50 ng umaga nang maganap ang insidente sa kanto ng Solis St. at T. Bugallon St. sa Tondo.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang biglang pagtawid ng bata sanhi upang masalpok siya at masagasaan pa ng papadating na van, na may plakang PLI-520.

Ayon sa mga barangay officials sa lugar, bago ang insidente ay tumawid ang bata sa kabilang kalsada upang bumili sa tindahan.

Papauwi na umano ang biktima nang maganap ang masaklap na pangyayari.

Sinasabing tinangka pa ng suspek na tumakas ngunit naaresto rin nang harangin ng mga residente ang kaniyang sasakyan.

Anang mga barangay officials sa lugar, ikinakatwiran ng driver na hindi umano niya napansin ang bata at hindi rin niya naramdaman na may nabundol at nasagasaan siya.

Sa kabila nito, desidido ang mga magulang ng biktima na ituloy ang kaso laban sa suspek upang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa anak.