Ipinahayag ni Senador Bong Go na ang naging pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) ay nangyari sa panahon kung saan kailangang “lalong unahin ang kapakanan ng ating mga kababayan.”

Matatandaang nitong Miyerkules, Hunyo 19, nang magbitiw si VP Sara bilang DepEd secretary dala umano ng tunay niyang malasakit para sa mga guro at kabataang Pilipino.

Kaugnay nito, sa kaniyang pahayag nitong Miyerkules ng gabi, pinasalamatan ni Go si VP Sara sa kaniyang naging serbisyo bilang DepEd secretary.

National

VP Sara sa pagbibitiw bilang DepEd Secretary: ‘Hindi lulan ng kahinaan’

“Maraming salamat po, Ma'am VP Inday Sara, sa inyong pagseserbisyo bilang Secretary of Education, sa patuloy mong pagsisilbi bilang Pangalawang Pangulo ng bansa, at sa walang tigil na pagmamalasakit sa bawat Pilipino,” pahayag ni Go.

“Gaya ng parati naming sinasabi, there is always a time for everything. Ito ang panahon para mas lalong unahin ang kapakanan ng ating mga kababayan,” dagdag niya.

Ayon pa sa senador, kilala na niya ang bise presidente mula nang magsimula ito sa serbisyo publiko, at patuloy raw siya nakasuporta maging sa mga posible pang dumating na pagsubok.

“Mula noon, hanggang ngayon, at hanggang sa mga darating pang mga pagsubok, kaisa ako ni Vice President Inday Sara Duterte lalo na sa hangaring ihatid ang aniya'y "tunay na malasakit para sa ating mga guro at kabataang Pilipino,” ani Go.

“Kilala ko siya noon pang nagsimula siya sa serbisyo publiko at hanggang ngayon ay ipinapamalas niya ang kanyang husay, katatagan, dedikasyon at maprinsipyong pagsisilbi sa bayan,” saad pa niya.

Si Go, na isa ring Davaoeño, ay nagsilbi bilang Special Assistant to the President Secretary sa administrasyon ng ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte at kilalang kaalyado ng pamilya Duterte.

Samantala, kamakailan lamang ay pinatutsadahan ng kapatid ng bise presidente na si Davao City Mayor Baste Duterte ang kumpare niyang si Go, at sinabing kung alam lamang daw niyang hindi titindig at magsasalita si Go para sa mga Davaoeño, hindi na lang daw sana niya ito sinuportahan noong nakaraang eleksyon.

https://balita.net.ph/2024/06/18/baste-duterte-pinatutsadahan-kumpareng-si-bong-go-kung-alam-ko-lang-na-ganito-gagawin-mo/

https://balita.net.ph/2024/06/18/baste-duterte-mas-bilib-kay-risa-hontiveros-kaysa-kay-bong-go/

https://balita.net.ph/2024/06/18/baste-duterte-sinagot-kung-iniwan-na-ba-ni-bong-go-si-ex-pres-duterte/