Ipinagdiriwang sa araw na ito, Hunyo 19, ang ika-163 kaarawan ng bayaning si Dr. Jose Rizal na isinilang sa Calamba, Laguna taong 1861. Siya ay ikapito sa 11 anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonso. 

Dahil sa kaniyang pambihira at natatanging ambag sa iba’t ibang larangan tulad ng literatura, sining, agham, at teknolohiya, nanatiling buhay pa rin ang presensya ni Rizal sa kasalukuyan kahit 154 taon na ang lumilipas simula noong siya ay pumanaw. 

Gano’n daw yata talaga. Mas malaki ang tiyansa na maging imortal ang isang tao na maiksi ang buhay kaysa sa taong tumagal nga sa mundong ibabaw pero inilaan naman ang buong panahon sa mga walang kapararakang bagay. 

Hanggang ngayon, kalat ang mga larawan at imahe ni Rizal sa mga gusali at lansangan. Ang mga isinulat niyang tula at nobela ay patuloy na pinagkukunan ng mga inspirasyon sa pag-aakda, gaya na lamang ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Pati ang mga prinsipyo at pananaw niya ay ginagamit pa ring gabay sa pakikibaka para sa hinahangad na pagbabagong panlipunan.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Bahagi na si Rizal ng pambansang identidad. Mahirap isipin ang isang Pilipinas kung wala siya. Parang Amerika na walang George Washington. O Kristiyanismo na tinanggalan ng Kristo. 

Kailanman ay hindi siya nawala. Kasa-kasama pa rin natin siya. Sa katunayan, may kaniya-kaniya tayong bersiyon ng Rizal sa sulok at aparador ng ating mga pagkatao. 

Ang kailangan lang nating gawin, galugarin ito. At pairalin.

Maligayang kaarawan, Rizal!