Ibinahagi ng showbiz columnist na si Ogie Diaz ang isang video clip ng isinagawang privilege speech ng isang opisyal ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan patungkol sa pagpataw ng "persona non grata" sa vloggers na sina Rendon Labador at Rosmar Tan dahil sa insidente ng pangongompronta nila sa isang babaeng staff ng munisipyo sa Coron, Palawan.

Idineklara nang persona non grata sa buong Palawan ang dalawang social media personalities na sina Rendon Labador at Rosemarie Tan Pamulaklakin na bahagi ng "Team Malakas" na nagsagawa ng charity event sa nabanggit na lugar kamakailan, at nagkaroon ng engkuwentro sa isang babaeng empleyado ng munisipyo dahil sa isang rant post nito laban sa kanila, na kalaunan ay binura din at nag-sorry pa sa kanila.

MAKI-BALITA: Rendon, Rosmar idineklarang persona non grata sa buong Palawan

Ayon sa ulat ng isang pahayagan nitong Martes, Hunyo 18, inaprubahan na umano ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang payo ni Board Member Juan Antonio E. Alvarez na ideklarang persona non grata sa buong Palawan ang Team Malakas na pinangungunahan nina Rendon at Rosmar.

Tsika at Intriga

'Back to you mamang!' Chloe, rumesbak kay Ai Ai matapos hiwalayan ni Gerald?

Mapapanood naman sa video clip na ibinahagi ni Ogie, sinabi ng isa pang board member din na si Hon. Rafael V. Ortega, Jr. sa kaniyang talumpati sa session hall na sinusuportahan niya ang panukala ni Alvarez, at para sa kaniya ay hindi sapat ang persona non grata status ng vloggers, lalo na raw kay Rendon, matapos nitong sigawan si Jho Trinidad, ang babaeng nag-rant post patungkol sa kanilang charity event sa nabanggit na lugar.

Ayon sa opisyal, kahit na may maling ginawa ang empleyado, hindi pa rin ito sapat para sigaw-sigawan siya sa loob pa mandin ng munisipyo.

Nang una nga raw ay hindi niya pa napapanood ang viral video dahil hindi raw siya mahilig sa panonood sa social media, subalit nang pag-usapan na ito at panoorin niya na, nakaramdam daw siya ng panliliit at pagkaawa para sa babaeng empleyado. Hindi raw siya makapaniwala na ang isang lalaking punumpuno ng muscle sa katawan ay magagawang manduro at manigaw ng babae sa harapan ng ibang nakakakita sa loob ng munisipyo.

Bukod sa pambabastos daw sa babae, nangyari rin umano ito sa loob pa ng opisina ng municipal mayor ng Coron at sa buong lalawigan ng Palawan.

"Ang pambabastos po niya ay hindi lamang sa isang babae kundi sa isang opisina ng municipal mayor ng Coron at sa buong lalawigan ng Palawan. Hindi po welcome sa lalawigan ng Palawan 'yong mga ganoong klase na mga sinasabi na sikat na tao, na babastusin mo ang isang Palaweño, sabihin na nating may pagkakamali sa pagko-comment ng isang Palaweña lalo na ng isang babae, natural ho 'yon dahil nagsalita siya bilang isang private citizen not as staff ng municipal mayor," paliwanag ng opisyal.

Kaya raw, iniisip nila kung posibleng masampahan ng kasong "oral defamation" si Rendon.

"Ako tingin ko nga, if I may suggest... kasi kung persona non grata lang 'yan, it's just an expression of our sentiment na you are not welcome in Palawan, but anong epekto ng isang persona non grata lang? Tingin ko baka puwedeng pag-aralan natin, humingi tayo ng suhestyon sa ating legal minds, kung ano ang pupuwede nating isampang kaso rito, tinitingnan ko baka pupuwede siyang kasuhan ng oral defamation or kung ano pa ho ang mas greater offense na puwede ikaso sa kaniya," pahayag pa ni Ortega.

Kaya naman saad ni Ogie Diaz, "Yung kabutihan ng puso ni Rosmar, nabalewala tuloy. ‘Yung pagbibigay ni Rendon ng motivation sa mga tao, nakalimutan na rin ng mga tao."

"Sayang. Sayang talaga. Kahit pakainin mo yata lahat ng tao sa Coron ng pares overload ni Diwata o Hiwaga o yung baked mac ng hearttrob ng Marikina ay mukhang galit, eh. Lalo na yung mga pulitiko doon. Talagang pursigido rin silang kasuhan ng oral defamation dahil nga daw nagtutungayaw si Rendon."

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o opisyal na pahayag ang kampo ng Team Malakas lalo na si Rendon kaugnay sa suhestyong kasuhan siya ng oral defamation, bagama't naglabas na sila ng public apology para sa mga nangyari. Naglabas na rin siya ng reaksiyon patungkol sa deklarasyon ng persona non grata sa kanila.

MAKI-BALITA: Rendon, nag-react matapos ideklarang persona non grata

Bukas ang Balita sa kaniya/kanilang panig.