Muli na namang lumutang ang salitang "persona non grata" matapos ang deklarasyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan na patawan nito ang social media personalities na sina Rendon Labador at Rosmar Tan Pamulaklakin, matapos ang naging insidente ng mainit na komprontasyon nila sa isang babaeng taga-munisipyo, matapos itong mag-rant post kaugnay ng isinagawa nilang charity event doon.
Sa mga nagdaang panahon, marami na sa mga sikat na personalidad ang nape-persona non grata dahil sa kanilang mga naging hirit na biro, pahayag, aksyon, o kilos na maaaring nakasakit o nakaapekto sa mga mamamayan sa isang partikular na lugar.
Ngunit ano nga ba ang "persona non grata?"
Ang "persona" ay nangangahulugang "tao" at ang "non grata" naman ay hindi welcome o tanggap.
Nangangahulugan, ang isang deklaradong persona non grata ay hindi tanggap o hindi welcome magtungo sa isang partikular na lalawigan o lungsod, gayundin sa mga sakop na lugar at establisyimentong nakapaloob dito, dahil sa kanilang mga nasabi o ikinilos na pinaniniwalaang nakasaling o naka-offend sa kultura o norms doon. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng isang aprubadong resolusyon mula sa national o local government. Karaniwan itong iginagawad sa mga dayo o hindi residente ng isang bayan.
Ayon sa abogadong si Atty. Claire Castro, sa kaniyang panayam sa “Usapang de Campanilla” ng DZMM Teleradyo noong 2019, may mga pagkakataong pinagbabawalan nang pumunta sa isang lugar ang isang dayo dahil sa umano’y kawalan nito ng respeto, sa tao man o sa mismong pook, kapag persona non grata.
“Kapag ang isang tao nao-offend niya ang isang tao o lugar, minsan nagkaka-resolution ang isang lugar sa mga nakaka-offend ng culture or norms nila na magdeklara ng persona non grata,” aniya.
“Parang ikaw na tinanggap namin nang buong-buo, in-offend mo ‘yung feelings namin,” dagdag pa ng abogado.
Subalit ayon pa sa kaniya, maaaring mabawi ang pagdeklara ng persona non grata status kung hihingi umano ng paumanhin o makikipag-areglo ang mapapatawan nito.
Ayon naman kay Atty. Gideon V. Peña, sa kaniyang tweet nitong Hunyo 8, “A declaration of a persona non grata status in the Philippines against a Filipino simply means that a person is not welcome in the place that declared such status. But it does not mean that said person cannot actually go there.”
“Refer to Art. III, Sec. 6 of the Constitution,” dagdag pa niya.
Samakatwid, hindi makukulong o pagmumultahin ang isang taong persona non grata kung sakaling magsadya o magtungo pa rin siya sa lugar na idineklara siyang persona non grata.
KAUGNAY NA BALITA: Rendon, Rosmar pinapadeklarang persona non grata sa Coron
KAUGNAY NA BALITA: Ai Ai Delas Alas, Darryl Yap, tinuluyan nang maging ‘persona non grata’ sa QC
KAUGNAY NA BALITA: Mga lugar na nagdeklara ng persona non grata laban kay Pura Luka Vega