Usap-usapan sa social media si dating Presidential Spokesperson Harry Roque matapos lumabas ang dokumentong nagsasabing pinondohan umano niya ang travel expenses ng isang male pageant winner sa kanilang trips sa Europe noong 2023, dahil kailangan daw niya ng kasama abroad at siya ay “diabetic.”
Ayon sa mga ulat, na-recover umano ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga dokumentong may lagda ni Roque nang i-raid ng ahensya ang Philippine offshore gaming operators (POGO) hub sa Lucky South 99 compound sa Porac, Pampanga noong nakaraang linggo.
Ilan umano sa mga nakuhang dokumento ay ang appointment paper at affidavit of support para sa executive assistant ni Roque na si Mr. Supranational Philippines 2016 Alberto De La Serna.
Base sa appointment paper, itinalaga umano ni Roque si De La Serna bilang isang executive assistant III na may Salary Grade-20 o sahod na mahigit ₱54,000, epektibo mula Enero 4, 2021 hanggang Disyembre 31, 2021.
Samantala, nakasaad naman sa affidavit of support na pinondohan ni Roque ang travel expenses ni De La Serna at isinama niya ito sa kaniyang mga trip papuntang Poland, Ukraine, at Italy mula Oktubre 9, 2023 hanggang Oktubre 18, 2023.
“I need a travel companion since I am diabetic, with coronary stent and suffering from acute spinal stenosis,” ani Roque sa dokumento.
“I am financially capable and willing to cover all expenses related to De La Serna's travel, including, but not limited to transportation, accommodation, meals, medical expenses, and any other necessary costs,” dagdag pa.
Dahil dito, nag-trending sa X (dating Twitter) si Roque, kung saan kinuwestiyon ng mga netizen kung bakit umano si De La Cerna, na isang business administration graduate, ang kaniyang isinama sa halip na totoong medical practitioner para sa kaniyang medical conditions.
Nagbigay naman ng paliwanag si Roque hinggil sa isyu, sa isang panayam ng News5.
Samantala, kamakailan lamang ay ipinaliwanag ng PAOCC na “walang criminal value” ang mga dokumentong kanilang nakuha na nag-uugnay kay Roque hinggil sa kanilang imbestigasyon sa POGO.
Hindi raw nila nakitaan ng anumang “suspicious activity” ang pagtayong abogado ni Roque para sa Whirlwind Corporation na nagpaupa ng ari-arian sa Lucky South 99, maging ang tungkol sa kaniyang special assistant.
Itinanggi rin kamakailan ni Roque ang mga alegasyong may kaugnayan siya sa Lucky South 99.