Nagsalita na si dating Presidential Spokesperson Harry Roque hinggil sa isyung pinondohan umano niya ang travel expenses ng isang male pageant winner sa kanilang trips sa Europe noong 2023.
Matatandaang naging usap-usapan si Roque sa social media matapos ma-recover ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa ni-raid na Philippine offshore gaming operators (POGO) hub sa Lucky South 99 compound sa Porac, Pampanga ang mga dokumento ng appointment paper at affidavit of support para sa kaniyang executive assistant na si Mr. Supranational Philippines 2016 Alberto De La Serna, isang business administration graduate.
Base sa appointment paper, itinalaga umano ni Roque si De La Serna bilang isang executive assistant III na may Salary Grade-20 o sahod na mahigit ₱54,000, epektibo mula Enero 4, 2021 hanggang Disyembre 31, 2021.
Samantala, nakasaad naman sa affidavit of support na pinondohan ni Roque ang travel expenses ni De La Serna at isinama niya ito sa kaniyang mga trip papuntang Poland, Ukraine, at Italy mula Oktubre 9, 2023 hanggang Oktubre 18, 2023, dahil kailangan daw niya ng travel companion at siya raw ay diabetic, na may coronary stent at nakararanas ng “acute spinal stenosis.”
Matapos naman siyang maging trending sa X (dating Twitter), ipinaliwanag ni Roque sa isang panayam na inulat ng News5 na dati na raw niyang empleyado si De La Serna.
“Well, siya po ay dati ko nang empleyado. ‘Yun ang alam ko po,” ani Roque.
Dagdag niya, galing sa political family na “De La Serna” ang nasabing male pageant winner ng Mr. Supranational Philippines 2016.
“Siya po ay galing sa isang political family na De La Serna. Ang lolo po niya ay naging dating gobernador ng Bohol. Ang lolo niya sa side ng nanay niya ay dating Vice Mayor.”.
Ipinaliwanag din ni Roque na tinulungan umano siya ni De La Serna sa kaniyang social media presence noong presidential spokesperson pa lamang siya ng administrasyong Duterte at maging noong tumakbo siya bilang senador noong nakaraang eleksyon.
“Siya po ay isang college graduate, at siya po ay kinuha ko bilang isang IT. Sila po ang nag-handle, isang grupo po ’yan ng mga magbabarkada na nag-handle po ng aking social media presence noong kami po ay nasa Malacañang, at kami po ay nasa eleksyon,” saad niya.
Samantala, muli ring itinanggi ni Roque na may kaugnayan siya sa POGO hub sa Pampanga dahil tumayo lamang daw siyang abogado ng Whirlwind Corporation na nagpaupa ng ari-arian sa Lucky South 99.
“Sinabi na po ng pulis na wala pong kriminal na nakita sila doon sa mga sulat. ‘Yan po ay mga papeles na appointment at wala po talagang kriminal na intent diyan,” giit niya.
Kaugnay nito, ipinaliwanag naman kamakailan ng PAOCC na “walang criminal value” ang mga dokumentong kanilang nakuha na nag-uugnay kay Roque hinggil sa kanilang imbestigasyon sa POGO.