Patuloy pa ring nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon at Visayas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Hunyo 18.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan, Occidental Mindoro, Zambales, at Bataan.

Posible raw ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms ang posibleng maranasan sa Metro Manila, Zamboanga Peninsula, Western Visayas, mga natitirang bahagi ng MIMAROPA, Cavite, Laguna, at Batangas dahil sa habagat. Gayundin ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dulot naman ng localized thunderstorms, ayon sa weather bureau.

National

Sultan Kudarat, niyanig ng magnitude 5.0 na lindol

Pinag-iingat din ang mga residente sa mga naturang lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).