Mariing tinutulan ni Senador Risa Hontiveros ang nakaambang pagtataas ng singil ng kuryente mula ngayong buwan ng Hunyo, at sinabing hindi umano dapat ipasa ng Department of Energy (DOE) at mga power company sa mga consumer ang kanilang pagkabigong paghandaan ang epekto ng El Niño sa operasyon ng mga planta ng kuryente.

“Making consumers pay for the failures of the energy sector sets a bad precedent. The upcoming power rate hike must be disallowed,” giit ni Hontiveros sa isang pahayag.

“Kapag ang jeep nga nasiraan, binabalik ng driver sa mga pasahero ang bayad. Tapos ang DOE at power companies palpak na nga, magdadagdag-singil pa imbes na managot sa taumbayan. Kaunting hiya naman po,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa senadora, ang pagkabigo ng DOE at power companies na maghanda para sa epekto ng El Niño sa operasyon ng power plants ay nagdulot ng hindi planado at sapilitang pagkawala ng higit sa 30 planta, na nag-udyok naman sa National Grid Corp. of the Philippines na magtaas ng red at yellow alerts sa Luzon at Visayas grids.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Naging sanhi din aniya ito ng pagtaas ng halaga ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market na planong ipasa ng Meralco sa mga consumer sa rate na hindi bababa sa ₱0.50/kWh sa Hunyo kung “staggered” o ₱0.80 hanggang ₱0. 90/kWh sa “one payment.”

“Hindi patas at makatao ang ginagamit na regulatory framework ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa ganitong mga pagkakataon, na kapag may tumirik na 30 planta sa anumang kadahilanan, o dahil sa kakulangan sa paghahanda dito ng pamahalaan at mga power companies ay sagutin ito ng consumers,” pagbibigay-diin ni Hontiveros.

“They say crisis is opportunity. Pero huwag naman sanang i-apply ito ng power companies natin sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo at palobohin pa ang kanilang kita sa pamamagitan ng pananamantala at pagpapahirap sa consumers,” saad pa niya.