Nanawagan si Gabriela Women’s Party Consultant for Young Women Affairs Sarah Elago na ipasa na ang SOGIE Equality Bill, dahil sa kasalukuyan ay kulang pa rin daw ang mga batas na nagbibigay-proteksyon at sumusugpo sa diskriminasyong nakabatay sa sexual orientation, gender identity and expression, at sex characteristics (SOGIESC).

Sinabi ito ni Elago sa eksklusibong panayam ng Balita sa ginanap na Pride Month Celebration and Protest “Awra Marikina: Rampa ng Pag-ibig at Paglaya” sa Parang Playground, Marikina City nitong Sabado, Hunyo 15.

“Kulang na kulang po ‘yung mga proteksyon at redress mechanisms na pwede po nating gamitin para makakamit ng hustisya lahat ng biktima ng diskriminasyon batay sa SOGIESC,” pahayag ni Elago.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“Bagama’t nandiyan po ‘yung sa Safe Spaces Act, nandiyan din po ‘yung ibang mga batas natin na may kinalaman sa paglaban sa gender-based sexual harassment, kulang na kulang pa rin po ito. Kaya malaking bagay kung maipapasa na ang SOGIE Equality Bill,” dagdag niya.

Sa ngayon ay nasa period of sponsorship sa Kamara at pending din sa Senado ang naturang panukalang batas, na naglalayong protektahan ang bawat indibidwal laban sa diskriminasyong nakabase sa kanilang SOGIESC.

Kaugnay nito, iginiit ni Elago na napakahalaga ng SOGIE Equality Bill lalo na’t hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin daw ang mga pag-atake sa karapatan at mga pang-aabusong nakabatay sa SOGIESC.

“Sa Gabriela Women’s Party, nakikita po natin na nagpapatuloy pa rin ‘yung mga atake sa karapatan ng ating mga kababayan lalo na ‘yung diskriminasyon at pang-aabuso batay sa kanilang SOGIESC, at hindi po ito katanggap-tanggap. Kaya po tuloy-tuloy rin ‘yung paninindigan natin,” aniya.

“Isang magandang pagpapakita ng resolve ng mamamayang Pilipino na hindi nagpapatinag ay ‘yung naglalakihang mga Pride March, mga Pride Protest, at iba't ibang mga gathering para sabihing panahon na para ipasa ang SOGIE Equality Bill.”

Samantala, nanawagan din ang dating kinatawan ng Kabataan Partylist sa administrasyong Marcos na unahin ang mga panukalang magpapabuti sa kalagayan ng mga Pilipino.

“Bigyang prayoridad ‘yung mga panukala tulad po ng dagdag-sahod, paglikha ng mas maraming trabaho, at pagpapalawig ng pondo para sa serbisyong panlipunan para mas makaangat ‘yung ating mga kababayan at makatulong sa paglaban sa pang-aabuso at pagsasamantala sa ating lipunan,” ani Elago.

“'Yan po ang pagkapantay-pantay na nais po nating makamit dito sa ating mahal na bayan ng Pilipinas,” saad pa niya.