Sa kaniyang pakikiisa sa mga kapatid na Muslim sa paggunita ng Eid al-Adha ngayong Lunes, Hunyo 17, ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na isang mahalagang pagkakataon ang naturang okasyon upang ipagdasal na laging maging matatag, mapayapa, at ligtas sa mga kalamidad at trahedya ang Pilipinas.
“Taos-pusong pagbati ng Eid Mubarak sa mga kapatid nating Moro!” paunang mensahe ni Duterte sa isang pahayag para sa Eid al-Adha.
“Sa araw na ito, alalahanin natin ang kahulugan ng sakripisyo, pasasalamat, at kababaang-loob na nararapat nating isabuhay,” dagdag niya.
Ayon pa sa bise presidente, mahalagang mapalaganap ang diwa ng Eid al-Adha lalo na raw sa kasalukuyan kung saan “marami sa ating mga kababayan ang nangangailangan ng ating kabutihang loob, kawang-gawa, at malasakit.”
“Ang aming pakikiisa sa pagdiriwang na ito ay tanda ng ating ugnayan bilang isang bansa na mas pinatibay ng ating paggalang, pagtanggap, at pagmamahal sa isa't isa sa kabila ng magkaibang salita, relihiyon o paniniwala,” ani Duterte.
“Gamitin natin ang pagkakataong ito para ipagdasal na ang Pilipinas ay laging maging matatag, mapayapa, at ligtas sa mga kalamidad at trahedya,” saad pa niya.