Ibinahagi ng isang ama ng triplets ang kaniyang fatherhood journey mula nang pumanaw ang kaniyang asawa.

Sa Father’s Day episode ng Toni Talks nitong Linggo, Hunyo 16, ikinuwento ni Joel Regal kung paano sila nagkakilala ng kaniyang misis na si April at kung ano ang nangyari rito matapos ipanganak ang kanilang tatlong anak na babae.

Trending

'Healing the inner teenage phase' ng netizen sa ballpen, makaraming naka-relate

Kuwento ni Joel, 2016 nang makilala niya si April sa isang kompanya na kanilang pinapasukan. Napukaw raw ng kaniyang pansin si April dahil sa magandang ngiti nito. Hindi aniya agad pinormahan ito dahil may boyfriend daw ito. Pero nang maghiwalay dahil niloko si April, doon daw siya nagpursiging manligaw. Taong 2018 ay naging sila raw.

Panahon ng pandemya noong 2020, gusto na raw magkaanak ni April. May plano nga raw dapat silang magpakasal noon pero dahil may pandemya, nauna raw muna silang magkababy.

Ayon kay Joel, January 2021 nang ikasal sila ni April at pitong buwan nang pinagbubuntis ang triplets. Gayunman, makalipas ang tatlong buwan, sumailalim sa emergency C-Section ang kaniyang misis na bumawi sa buhay nito.

“‘Yung puso daw po niya nag-enlarge. ‘Yung lungs niya nagkatubig. Then ayun po, advise nga po ng doktor na emergency CS po to save nga po ‘yung mga bata and ‘yung kalagayan niya is 50/50 na po. Inamin naman sa akin ng doktor na ‘yung chance na mabuhay ‘yung asawa ko is 50/50 na po talaga,” saad ni Joel.

Sobrang bigat daw para sa kaniya nang marinig niya na 50/50 ang buhay ng kaniyang asawa. Ang tanging ginawa lang niya ay magdasal para sa kaniyang asawa.

“Sa totoo lang po, marami akong tanong sa Kaniya na paulit-ulit. ‘Bakit sa amin? Anong mabigat na kasalanan namin bakit nangyari ito?’ Sa totoo lang napaka-bless po namin na nabiyayaan ng triplets [na] bihira pong mangyari,” kwento pa niya.

“Tatlong buhay ‘yung binigay pero ‘yung kapalit buhay pala ng asawa ko,” dagdag pa ni Joel.

Kahit na pumanaw si April, naramdaman pa rin daw niya na hindi siya pinabayaan ng Diyos dahil sunod-sunod ang tulong na dumating sa kanilang pamilya. Bukod sa nabayaran ang halos kalahating milyon na hospital bill, marami rin daw ang nagpadala ng mga breastmilk na kailangan ng mga anak niya.

Bagkus nag-iisa nang nagpapalaki sa mga anak, palagi raw niya sinasabi sa mga anak niya na hindi niya pababayaan ang mga ito.

Pagbabahagi pa ni Joel, kinakausap lang daw niya ang mga anak niya kapag nakakaramdam siya ng pagod. Minsan ay umiiyak daw siya dahil hindi naman daw ito nakakababa ng pagkalalaki.

Sa huli, hindi na rin daw niya iniisip kung mag-aasawa pa ba siya ulit. Pero kung mag-aasawa man daw siya ulit ay ‘yong kaya raw magmahal ng apat.