Ipinaabot ni "Drag Race Philippines" season 2 winner Captivating Katkat na maaaring makisaya ang bawat isa sa Pride Month dahil ang selebrasyong ito raw ay hindi lamang para sa LGBTQIA+ community, kung hindi para sa lahat.
Sinabi ito ng drag queen nang magtanghal siya sa ginanap na cultural night ng Pride Month Celebration and Protest na “Awra Marikina: Rampa ng Pag-ibig at Kalayaan” sa Parang Playground, Marikina City nitong Sabado, Hunyo 15.
“Pride is for everyone. Kahit straight, you can celebrate with us,” ani Captivating Katkat.
Kaugnay nito, nanawagan din ang 'Drag Race Philippines' season 2 winner na suportahan ang kanilang kapwa, lalo na ang komunidad ng LGBTQIA+ na nangangailangan daw ng pagtanggap, respeto at pagmamahal.
“Suportahan po natin ang lahat, especially ang LGBTQIA+ community natin. We need acceptance, respect, and love,” aniya.
Isa si Captivating Katkat sa mga naging main artist na nag-perform sa “Awra Marikina: Rampa ng Pag-ibig at Kalayaan”, isang aktibidad na naglalayong isulong ang pagkakapantay-pantay at karapatan ng bawat indibidwal, anuman ang kanilang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE).
Sa isa niyang drag performance sa naturang event, ipinaabot ng drag queen ang mga mensaheng tulad ng: "LGBTQIA+ Rights are Human Rights," "Stop homophobia and discrimination," "Let's protect and empower our queer youth," "We deserve love, respect and acceptance," "Stand up for what is right," at "Pass the SOGIE Bill."
Matatandaang noong 2023 nang tanghalin si Captivating Katkat bilang winner ng season 2 ng "Drag Race Philippines."
Kaugnay na Balita:
https://balita.net.ph/2024/06/16/awra-marikina-rampa-ng-pag-ibig-at-karapatan-nilahukan-ng-lgbtqia-allies/