Anong gagawin mo kung ang katrabaho mong may asawa ay may ginagawang "kaharutan" lalo na sa bagong empleyado pa ng kompanya? Mananahimik ka na lang ba o hindi mo ito hahayaan?

Usap-usapan sa social media ang screenshots ng posts ng isang anonymous na lalaking netizen matapos niyang ibahagi ang ginawa niya sa katrabahong lalaking alam ng lahat na pamilyado na.

Mababasa ito sa Facebook page na "Traffic News."

Ang siste raw, "nakikipagharutan" ito sa bagong pasok na babaeng empleyado, at ito naman daw na empleyado ay tila game kahit alam niyang may asawa na ito.

Human-Interest

ALAMIN: Ang 2025 sa ilalim ng Year of the Wooden Snake

Hindi raw malubos-maisip ng anonymous netizen kung paano nasisikmura ng dalawa ang kanilang ginagawa, gayong alam nga ng lahat sa opisina na may sabit na ang lalaki. Ipinagmamalaki pa raw sa kanilang mga kasamahan na "atat" sa kaniya ang babaeng co-worker.

Hanggang sa nagkayayaan daw lumabas ang mga magkakatrabaho, at doon daw ay tinutukso-tukso pa ang babae sa karelasyon nitong pamilyado habang malaya silang "naghaharutan." Dahil hindi nagustuhan, kinuhanan ng anonymous netizen ng larawan at video ang dalawa.

Kinabukasan daw, gumawa siya ng bagong Facebook account at ipinadala sa Messenger ng asawa ng katrabahong lalaki ang mga kuha niyang larawan at video.

Hanggang sa nalaman niyang nakarating na sa kaalaman ng misis ng katrabaho ang mga pagsisiwalat niya dahil nagalit ito sa kanilang group chat. Pinaghinalaan daw nito ang mga babaeng katrabahong "pakialamera" na siyang nagsumbong sa kaniyang misis, na pinagbabantaan na raw siyang hihiwalayan.

Sumunod na araw, nagpadala ng anonymous letter ang concerned netizen sa Human Resources Department upang isumbong naman ang bagong empleyado na pumapatol sa lalaking katrabaho na may asawa na.

Hanggang sa nabalitaan na lamang nilang pinatawag daw ang babae sa HR at tinanggal sa trabaho dahil under probationary status pa ito. Ang lalaking may asawa naman ay regular na empleyado na kaya sinuspinde lamang siya. Napag-alaman din nilang may boyfriend pala ang babae na isang OFW.

Ang kinaiinis pa ng anonymous netizen, tila nagagalit pa ang mga kaibigan ng dalawang magkarelasyon sa mga "pakialamera."

"Nakuha na naman nila inis ko hahaha, so kasalanan ko pa kasi cheater mga kaibigan nyo?" mababasa sa post.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Ganyang pkikialam sana ung gsto ko hhahahaha"

"Uso pala talaga ang office affairs"

"Enablers yung friend. Layuan mo mga yan. Derserve nung guy yung karma."

"daming ganyan sa workplace ko hahaha relate-much"

"Ngayon lang ako natuwa sa pakialamero"

"+100 to s heaven.. Ganyan dapat eh

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 1.5k reactions, 1k reactions, at 500 comments ang nabanggit na post.