Inamin ang pagkakamali at humingi ng paumanhin ang ‘ninang’ sa nag-viral na kasal sa Negros Oriental kung saan sinabi niya umano na nabago ang oras ng kasal.

Matatandaang nagpahayag ng pagkadismaya ang bride na si Janine Seit Suelto-Sagario dahil inumpisahan umano ng pari ang seremonya ng kasal kahit hindi pa handa ang lahat dahil sila raw ay late.

Trending

'Healing the inner teenage phase' ng netizen sa ballpen, makaraming naka-relate

Ikinuwento naman niya na sinabihan daw sila ng isa mga ninang nila, na miyembro ng St. Andrew the Apostle Parish, na na-reschedule ng 9:30 a.m. (na dapat 8:00 a.m.) ang kanilang kasal. Kaya agad daw nilang sinabihan ang mga pamilya nila maging ang wedding entourage nila.

Kung kaya't pinagalitan umano sila ng staff ng simbahan dahil isang oras daw silang late. Hindi rin daw sila binigyan ng pagkakataon para magpaliwanag pa.

BASAHIN: Wedding ceremony, inumpisahan kahit wala pa sa altar ang bride; bride, dismayado

Dahil sa isyu, nagsalita na ang ninang sa kasal na si Sharlene Sunico sa panayam niya sa local radio station DYWC anchor na si Anthony Maguinsay.

Bagamat hindi na pinangalanan, sinabi raw sa kaniya ng kasamahan niya sa simbahan na nagbago raw ang oras ng kasal, bagay na pinaniwalaan niya kaya agad niya itong sinabi sa bride.

Gayunman, inamin niya ang pagkakamali at agad daw siya humingi ng dispensa sa paring nagkasal na si Msgr. Albert Erasmo G. Bohol.

Matatandaang naglabas din agad ng pahayag ang St. Andrew the Apostle Parish nang mag-viral ang post ng bride.

BASAHIN: ‘THE TRUTH’ St. Andrew Parish, naglabas ng pahayag hinggil sa nag-viral na kasal

Kwento pa ni Sunico, pumunta raw siya sa reception ng kasal at inamin niya ang kaniyang pagkakamali. Humingi rin siya ng tawad sa mag-asawa at maging sa mga pamilya nito.

Bukod dito, hinihiling din niya sa publiko na iwasan nang mag-post ng mga negatibo tungkol sa pangyayari.

Samantala, wala pang pahayag ang bride tungkol sa paghingi ng tawad ng kanilang ninang sa kasal.

Magkakaroon naman ng “take 2” ang kasal ng mag-asawang Sagario na inisponsoran ng mga wedding suppliers sa Negros Oriental na gaganapin umano sa Hunyo 17.