Excited na ang mga sumali sa online raffle ng dating gobernador ng Ilocos Sur at negosyanteng si Luis "Chavit" Sison matapos niyang i-anunsyo noong Hunyo 8 na magpapamigay siya ng tumataginting na ₱7,000,000 sa kaniyang nalalapit na kaarawan.

Sa Hunyo 21 magaganap ang grand online raffle draw kung saan ipagdiriwang din niya ang kaniyang ika-82 kaarawan.

Makikita sa opisyal na Facebook page ni Chavit ang pagdedeposito niya ng pera upang ipakitang lehitimo ang kaniyang pa-raffle.

Ngunit paglilinaw, hindi iisang tao lamang ang mag-uuwi ng ₱7M.

"This year, magpapa-raffle ako ng ₱7 million. Ipapakita ko sa screen, naka-live," aniya.

600 katao ang puwedeng magwagi ng ₱10,000 bawat isa at isang tao naman ang mapalad na mag-uuwi ng ₱ 1,000,000. Kapag sinuma total, ₱7 milyon lahat.

"₱6 million na tig-₱10,000 plus 'yong isang ₱1 million, so ₱7 million lahat," aniya pa.

Para sa mga nagnanais makasali sa raffle, kinakailangang mag-download at mag-sign up sa "e-Gracia," isang digital wallet na kagaya ng GCash at Maya, at available naman sa Play Store para sa mga Android users at App Store naman sa mga Apple users.

Kapag may account na, kinakailangan lamang sagutin ang isang registration form. Kailangang may account ang sasali dahil doon daw ipadadala ang premyo kung sakaling mabunot.

Para sa mas tiyak na mga detalye at impormasyon, bisitahin lamang ang opisyal na Facebook page ni Chavit.