Tinatayang 45% ng mga Pilipino ang naniniwalang hindi nagbago ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa First Quarter 2024 survey ng SWS na inilabas nitong Biyernes, Hunyo 14, inihayag nitong 30% naman ang naniniwalang bumuti ang kanilang pamumuhay (tinatawag na “Gainers”) sa nakalipas ng 12 buwan, habang nasa 25% naman daw ang nagsabing lumala pa ito (tinatawag na “Losers”).
“This gives a Net Gainers score of +5 (% Gainers minus % Losers), classified by SWS as high (+1 to +9),” anang SWS.
Ayon pa sa SWS, ang naturang September 2023 Net Gainer score ay 13 puntos na mas mababa sa “very high” na +11 noong Hunyo 2023. Ito rin umano ang pinakamababa mula sa -2 na datos noong Hunyo 2022.
Dagdag pa ng SWS, pareho lamang ang naturang March 2024 Net Gainer score sa +5 (30% Gainers, 25% Losers) na datos noong Disyembre 2023.
Samantala, mas mataas daw ito nang pitong puntos kumpara sa “-2 (fair)” na datos noong Setyembre 2023, ngunit mas bababa naman daw nang anim na puntos kumpara sa “+11 very high” na datos noong Hunyo 2023.
Isinagawa ang nasabing survey mula Marso 21 hanggang 25, 2024 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 indibidwal sa bansa na 18 pataas ang edad.