Ipinadlak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang travel agency sa Bulacan, na sinasabing sangkot umano sa illegal recruitment ng mga manggagawang Pinoy para sa mga bogus na trabaho sa Europa, kapalit ng malaking halaga.

Mismong si DMW-Licensing and Adjudication Services cluster Undersecretary Bernard P. Olalia, ang nanguna sa pagpapasara sa tanggapan ng High Dreamer Travel and Tours Services na matatagpuan sa Paseo del Congreso, Catmon, Malolos, Bulacan bago magtanghali kahapon, katuwang ang Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) at Malolos City police.

Pinasalamatan naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang Filipino community sa Poland dahil sa kanilang pagtulong upang maipatigil ang ilegal na aktibidad ng naturang travel agency.

Aniya, “Once again, the Filipino Community in Poland proved to be a valuable ally in stopping these illegal activities. We thank them for their vigilance in reporting the illegal activities of High Dreamer to our Migrant Workers Office in Prague (MWO-Prague).”

Nauna rito, nagsagawa ng imbestigasyon ang MWO-Prague, na siyang may hurisdiksiyon sa Poland, at nadiskubreng ang High Dreamer ay nag-aalok ng trabaho sa Europa sa mga Pinoy, sa pamamagitan ng kanilang Facebook account.

Anang DMW, kabilang sa mga trabahong iniaalok nito ay production workers, agricultural workers, cleaners, restaurant workers, construction workers, at tagalinis sa ilang European countries, partikular sa Croatia, na may buwanang sweldo na mula P70,000 hanggang P80,000.

Humihingi umano ang High Dreamer ng processing fee na P100,000 at placement fee na P300,000 sa bawat aplikante. Ito ay non-refundable at maaaring bayaran ng tatlong installment.

Paglilinaw naman ng DMW, ang High Dreamer ay walang balidong lisensiya upang mag-alok ng trabaho sa abroad, at hindi rin ito rehistradong recruitment agency sa kanilang tanggapan.

Ayon sa DMW, ang mga opisyal at personnel ng High Dreamer ay mahaharap sa kasong illegal recruitment, at isasama rin sa listahan ng mga tao at establisimyento na may derogatory record.

Hindi na rin umano ito papayagang lumahok sa overseas recruitment program ng pamahalaan.

Hinikayat din ng DMW ang iba pang aplikante na nabiktima ng High Dreamer na kumontak lamang sa MWPB para sa kaukulang pagsasampa ng kaso.

Maaari umanong kontakin ang MWPB sa kanilang email na at [email protected] at Facebook page na https://www.facebook.com/dmwairtip.