Ibinahagi ng GMA news anchor na si Arnold Clavio ang tungkol sa kaniyang pagkakaospital matapos makaramdam ng matinding pamamanhid sa kanang braso at binti.

Sa latest Instagram post ni Arnold nitong Biyernes, Hunyo 14, sinabi niyang naramdaman umano niya ang pamamanhid sa naturang bahagi ng katawan habang nasa biyahe pauwi mula sa Eastridge Golf Course.

“Isang regular na araw. Pauwi na ako galing Eastridge Golf Course. Habang nasa biyahe, nakaramdam ako ng matinding pamamanhid sa kanang braso at binti. Di ko na rin maramdaman ang pag-apak sa pedal ng gas at break,” kuwento ni Arnold.

Dahil sa nangyari, huminto raw siya sa isang gasolinahan para suriin ang sarili. Pero hindi na raw siya makalakad papuntang restroom. Kailangan umano niya ng mahahawakan. At agad niyang tiningnan ang mukha sa salamin para alamin kung tabingi ba ang mukha niya. Nang makumpirmang wala namang nagbago, bumalik daw siya sa sasakyan.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“Sabi ko, titigil ako sa unang ospital na makikita ko. Kaya mula Antipolo, maingat ako na nag-drive sa Sumulong highway hanggang makarating ako sa Emergency Room ng Fatima University Medical Center,” saad ni Arnold.

“Doon inasikaso ako at after ilang test, lumitaw na ang blood pressure (BP) ko ay nasa 220 / 120 at ang blood sugar ko ay umabot ng 270,” aniya.

Dagdag pa ng news anchor: “Inirekomenda na isailalim ako sa CT Scan. Doon nakita na may ‘slight bleeding’ ako sa kaliwang bahagi ng aking utak . At sa oras na ‘yon , ako ay nagkaroon na ng ‘HEMORRHAGIC STROKE!’”

Kaya naman para lalong maobserbahan ang kalagayan ni Arnold, inilipat siya sa St. Luke Hospital. Agad daw siyang inasikaso sa ER ng brain attack team saka dinala sa Acute Stroke Unit ng ospital para mabantayan ang BP at sugar niya.

Sa huli, ibinahagi ng news anchor ang aral na natutuhan niya mula sa nangyari: “Feeling okay does not mean your okay. Feeling good does not mean we’re good. Listen to your body. Traydor ang hypertension! Always check your BP.”

Samantala, nagpasalamat naman siya sa Panginoon para sa himalang naranasan niya mismo.