Nakatakda raw na magsagawa ng “legal at appropriate actions” si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte laban sa mga pulis na gumamit ng “excessive at unnecessary force” sa pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy at sa limang iba pa.
“While I am saddened to do this given my personal, and in the past, official support for the police and the Armed Forces of the Philippines (AFP), my duties as Administrator of Church Properties demand that I take legal and appropriate action,” ani Duterte sa isang pahayag nitong Huwebes, Hunyo 13.
Inatasan ng dating pangulo ang paghahanda ng mga affidavit para sa mga miyembro ng KOJC na napinsala at na-trauma umano sa "unfortunate incident" noong Lunes, Hunyo 10, at isang imbentaryo ng mga nasirang ari-arian ng simbahan.
Sinabi ni Duterte na dapat kumilos ang simbahan at mga alagad ng batas dahil kumalat daw ang nangyari sa social media sa buong mundo, na nagbibigay umano ng impresyon na ang Pilipinas ay naging isang estado ng pulisya na hindi gumagalang sa law at religious institutions.
“While the damage has been done, the opportunity is there to rectify the errors brought about by trampling fundamental rights in the illegal raid by granting the relief and legal remedies provided by law,” aniya.
Ayon pa kay Duterte, ang pagkahumaling ng administrasyon na “i-demonize” ang religious leader bago pa man ito mahatulan ng court of law ay isang eksaktong maniobra upang ilihis daw ang atensyon mula sa lumalalang krisis na dulot ng katiwalian, “incompetence,” at “abuse of authority.”
“Again, it is with a heavy heart that I am constrained to take action against all those responsible for the coordinated but illegal raid. Notwithstanding my convictions, the law must be upheld,” saad ni Duterte.
Pinaalalahanan naman ng dating pangulo ang lahat, partikular na ang mga alagad ng batas, na maging babala at aral umano ang nangyari para sa lahat ng sumusunod at nagpapatupad ng mga utos na iligal at labag sa batas.
“There are grave consequences for blind obedience,” pagbibigay-diin ni Duterte.
Sinalakay umano ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) ang mga KOJC compound sa Barangay Buhangin at Tamayong sa Davao City, Glory Mountain sa Samal Island, at Kitbog sa Sarangani province.
Iginiit ni Duterte na maliban sa mga over-publicized arrest warrants, wala raw ipinakitang search warrants ang pulisya sa lahat ng mga ari-arian ng simbahan, na lumalabag sa batas.
“It was an overkill in any language,” saad ni Duterte.
Samantala, ang naturang pagsisilbi ng warrants ng mga pulis ay kaugnay umano ng inisyu ng Pasig City court para sa mga kasong qualified human trafficking cases na isinampa laban kay Quiboloy at sa limang iba pa.
Bukod sa naturang mga kaso ng qualified human trafficking, nahaharap din ang pastor sa mga kasong child at sexual abuse sa Davao City.
Samantala, matatandaang kamakailan lamang ay itinalaga si Duterte bilang administrator ng mga ari-arian ng KOJC ni Quiboloy.
Ivy Tejano