Pinangunahan ni Sen. Ramon "Bong"Revilla, Jr. ang seremonya ng pagtataas ng bandila ng Pilipinas sa General Emilio Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite, para sa ika-126 na anibersaryo ng paggunita sa Araw ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng Espanya.

Sinamahan si Revilla nina Cavite Governor Jonvic Remulla, Cavite First District Congressman Jolo Revilla III, at Kawit, Cavite Mayor Angelo Aguinaldo.

Bilang panauhing pandangal ay nagbigay ng talumpati si Revilla kaugnay ng paggunita sa kalayaan. Bahagi nito ang pagpupugay niya sa mga bayaning nagbuwis ng buhay upang ipaglaban ang kalayaan ng bansa mula sa mga mananakop. Utang daw natin sa kanila kung anuman ang tinatamasa nating kasaganahan, kapayapaan, at kalayaan.

Sa ngayon daw ay patuloy na nag-aalab ang kagustuhan ng lahat na ipagpatuloy ang laban tungo sa mas maayos, maganda, at maunlad na Pilipinas. Hindi raw nila hahayaang mauwi lang sa wala ang kalayaang matagal na ipinaglaban ng mga bayani noon, lalo na sa mga isyung nagaganap sa kasalukuyan, at sa mga banta laban sa kasarinlan.

Pagkatapos ng kaniyang talumpati ay saka sumunod ang pagtataas ng bandila at pag-awit ng Lupang Hinirang, pambansang awit ng Pilipinas.

Sa kaniyang Facebook post naman ay nag-iwan ng mensahe ang senador para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

"Isang nag-aalab na pagbati ngayong Araw ng ating Kalayaan!"

"Taon-taon, sa paggunita natin ng araw na ito, taas-noo nating ipinagbubunyi ang kabanatang ito sa ating kwento kung saan ipinakilala natin sa buong daigdig ang lahing Pilipino na laging handang i-alay ang buhay para sa sintang-bayan."

"Sa ating paglalakbay tungo sa hinaharap, sama-sama nating itaguyod, ipaglaban at ipagpatuloy ang kasaganaan, kapayapaan at kalayaan."

"Mabuhay ang Sambayanang Pilipino! Mabuhay ang ating Inang Bayan at ating kasarinlan!" aniya.