Nananawagan sa mga mamamayan ang isang military bishop na ipagdasal nila ang mga opisyal ng pamahalaan at simbahan.

Sa kaniyang mensahe para sa ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, hinimok ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio ang mga mananampalataya na isama sa kanilang mga dasal ang mga opisyal ng pamahalaan at simbahan upang maging mabuting lingkod at tagagabay sa bawat isa.

Pagbabahagi ng Obispo na siya ring chairman ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ng maimpluwensiyang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), bukod sa pananalangin para sa maayos at matuwid na pamumuno ay mahalaga ring ipagdasal ang mga opisyal ng Simbahan upang patuloy na magsilbing gabay sa pagkakaroon ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.

Ipinapanalangin din ni Bishop Florencio ang patuloy na paggabay sa bansa upang malagpasan ang mga kinahaharap na suliraning panlipunan at relasyon sa iba’t ibang mga bansa.

“Greetings to my beloved Philippines as she celebrates Independence Day. I pray that Our Almighty Father to bless our beloved country as she faces today herculean challenges both locally and internationally. I pray also that we the constituents of the Philippine Republic be blessed as well so as to rally behind our leaders both the government and the ecclesiastical leaders for the betterment of our country and not just few people," pahayag pa ng obispo, sa church-run Radyo Veritas.

Ipinaalala rin ng Obispo ang kahalagahan ng pagbabalik-loob at pagpapakumbaba sa Panginoon upang masumpungan ang biyaya ng Banal na Espiritu para sa bansa.

“Send your Holy Spirit upon us oh Lord so that together we renew our community and our country with much humility and love so that this beloved country might be a better place to live. We shall proclaim to the whole world that you are our Father and Lord. Mabuhay ang Pilipinas,” aniya pa.

Nabatid na tema ng ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong taong 2024 ang "Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan."

Layunin nitong isulong ang pagbabalik-tanaw ng bawat mamamayan sa kasaysayan ng bansa bilang gabay at aral sa kinabukasan ng Pilipinas.

Ang Araw ng Kalayaan ay taunang ginugunita sa Pilipinas tuwing Hunyo 12 alinsunod na din sa Republic Act No. 4166 na nilagdaan ni dating Pangulong Diosdado Macapagal noong Agosto 4, 1964 upang alalahanin ang Pagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya noong Hunyo 12, 1898.