Tila handang gawin lahat ng TV host-actor na si Luis Manzano para sa panganay niyang anak na si Isabella Rose o “Peanut.”

Sa latest episode kasi ng “Luis Listens” noong Martes, Hunyo 11, sinariwa ni Luis ang alaala ng kabataan niya kung kailan madalas niyang hindi nakikita ang mga artista niyang magulang.

“Nakita ko ’to sa mommy ko dati—no’ng kay mommy at kay daddy—na si mommy was always busy no’ng bata ako, as in bihira ko makita si ermat. Bihira talaga. Tapos ang weekends ko, kay daddy,” kuwento ni Luis.

“Pero naintindihan ko na kaya hindi ko palagi nakikita si mommy is dahil nagta-trabaho siya para sa amin. Hindi niya maibibigay 'yong mga binigay niyang buhay sa amin lahat, kung hindi rin siya nagta-trabaho nang sobra,” wika niya.

'So refreshing!' Netizens nakakita ng 'Diwata' sa Boracay

Dagdag pa niya: “So 'yon ang nababalanse ko, as long as hindi ako maging absent. Okay lang maging busy, pero hindi maging absent sa buhay." 

Kaya naman kapag lumaki raw si Peanut at humiling sa kaniya, hindi umano magdadalawang-isip na pagbigyan ang anak kahit pasayawin pa siya sa stage.

“’Pag kunwari lumaki na si Peanut, kahit anong busy ko, ’pag sinabi niya: ‘Papa, may school play ako,’ ‘Papa, may intramurals ako,’ ‘Papa, kailangan kong pumunta sa—I don’t know—taekwondo, ballet, piano,’ kung ano man 'yan, I will be there,” pahayag ni Luis.

Pahabol pa niya: “Kung kailangan kong sumayaw sa stage kasama ka anak, gagawin ko.” 

Kaya ang payo ni Luis sa mga tatay na nakakaranas ng “dad guilt” na kumakayod para sa mga anak, may rason daw kung bakit nila ito ginagawa. At darating ang araw na maiintindihan din sila ng kanilang mga anak.