Noong Setyembre 2017, halos pitong taon na ang nakararaan, naiulat ang tungkol sa nag-viral na video ni Maria Sofia Sanchez kung saan matutunghayan ang umano’y pambabastos niya sa pambansang awit ng Pilipinas. 

Habang tumutugtog kasi ang “Lupang Hinirang” ay hinahawakan niya ang kaniyang ari. Dahil dito, nakatanggap tuloy siya ng pambabatikos. Naharap pa siya sa kaso dahil paglabag umano ito sa section 38 ng Republic Act 491 o “Flag and Heraldic Code of the Philippines.”

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang “Lupang Hinirang” ay bahagi ng pambansang sagisag kaya gayon na lamang ang pagpapahalaga rito. 

Ngunit higit lamang na mauunawaan ang halaga nito kung tutuklasin ang kasaysayan sa likod ng mga sagisag na ito.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Kaya ngayong ika-126 Araw ng Kalayaan, kilalanin ang isa sa sa mga personalidad na nagbigay ng sagisag sa pagkabansa ng Pilipinas. Sabi nga ng karakter ni Sam Wilson sa seryeng The Falcon and the Winter Soldier: “Symbols are nothing without the women and men that give them meaning.”

Ang pambansang awit ay maituturing umanong isa sa mga palatandaan ng tagumpay ng Pilipinas laban sa mga Kastilang mananakop kasabay ng pagwagayway ng pambansang watawat sa balkonahe ng Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898.

Ayon sa mga tala, kinomisyon umano ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Kabitenyong piyanista at kompositor na si Julian Felipe upang bumuo ng isang martsa. 

Isinilang si Felipe noong Enero 28, 1861 sa nabanggit ding lugar. Sa edad na 10, nagsimula siyang mag-aral ng musika. 

At dahil sa angkin niyang husay sa larangang ito, nagkaroon siya ng pagkakataong maging bahagi ng prestihiyosong Santa Cecilia Musical Society. 

Pero nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896, kasama niya ang 13 martir na nakulong sa Fort San Felipe at Fort Santiago. 

Nang magkaroon ng pagkakataong makalaya, umanib siya sa grupo ni Aguinaldo. Hanggang sa inatasan na nga siya ng heneral na gawin ang nasabing trabaho.

Inupuan ni Felipe sa loob ng anim na araw ang gawaing ibinigay sa kaniya. Bago sumapit ang proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, natapos niyang buuin ang martsa. 

Tinawag itong “Marcha Filipino Magdalo” na halaw sa paksyon ng Katipunan ni Aguinaldo sa Cavite. Ngunit kalaunan ay pinalitan ito at tinawag na “Marcha Nacional Filipina” o “Philippine National March.”

Kalaunan, ang musika ni Felipe ay nilapatan ng titik mula sa tula ng makata at sundalong si Jose Palma na pinamagatang “Filipinas” na unang nailathala sa pahayagang “La Independencia.” 

Nagkaroon ito ng salin sa Ingles noong panahon ng Commonwealth. Pero ganap lang itong naisa-Tagalog noong 1956 at ginawang opisyal na bersyon ng pambansang awit noong 1963.

Samantala, tinanggihan daw ni Felipe ang alok ng isang Kastila na bilhin ang eksklusibong karapatan sa paglalathala ng pambansang awit sapagkat naniniwala siyang ito ay pagmamay-ari ng bayan.

Patunay lang ito na ang pambansang awit ay produkto at sagisag ng mahabang panahong pakikibaka ng mga bayaning Pilipino. At mainam na paalala ito na patuloy na ingatan ang tinatamasang kalayaan lalo na sa panahong namamayani pa rin ang iba’t ibang anyo ng pang-aabuso at pangangamkam.