Hinikayat ni Senador Risa Hontiveros ang bawat Pilipino na magsama-sama at manindigan para protektahan ang pambansang interes ng Pilipinas sa pagdiriwang ng ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Hunyo 12, sinabi ni Hontiveros na patuloy umanong ipaglaban ng mga Pilipino ang karapatan sa teritoryo sa gitna ng panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.

“Patuloy ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea. Walang patid ang pangha-harass laban sa ating mga mangingisda, Coast Guard at Navy. Tinataya nila ang kanilang kaligtasan at buhay sa tuwing naglalayag, kahit na panatag dapat silang naglalakbay sa karagatan natin,” pahayag ni Hontiveros.

“Patuloy nating ipaglaban ang ating karapatan sa ating teritoryo at labanan ang lahat ng pagtatangkang agawin ito mula sa atin at lahat ng likas yaman na nandito,” dugtong pa niya.

Bukod pa rito, ipinaalala rin ng senadora ang pangangailangang maitigil ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas dahil sa bantang dala nito sa pambansang seguridad at pagiging pugad nito ng pang-aabuso at krimen ng mga dayuhan.

Ayon kay Hontiveros: “Patuloy nating labanan ang mga pwersang nagnanais na hadlangan ang ating pag-unlad. Walang ibang titindig sa mga isyu na ito kundi tayong mga Pilipino.”

“Ngunit ang tunay na kalayaan ay hindi lamang ang kawalan ng mananakop. Napakaraming mga Pilipino ang hindi pa rin tuluyang makalaya mula sa kahirapan,” aniya.

Dagdag pa niya: “Kailangan natin ng pantay na pagkakataon para sa lahat, proteksyon para sa mga kababaihan at bata, pangmatagalang hanapbuhay para sa mga tumataguyod sa pamilya, at mas mababang presyo ng pangunahing pangangailangan.”

Kaya naman nanawagan si Hontiveros sa mga Pilipino na samahan sana siya sa mga labang ito sa Senado.