Nakiusap sa kapwa social media influencers at fans ang sikat na paresan owner at social media personality na si "Diwata" o Deo Balbuena sa totoong buhay, na igalang naman sana nila ang kaniyang oras at personal na espasyo lalo na kapag namamahinga at nagtatrabaho siya.

Nagiging isyu na kasi na tila nagiging "mapili" na raw si Diwata sa mga ineestima niyang vloggers at fans na dumarayo sa kaniyang paresan para makita siya nang personal at makapagpa-picture sa kaniya.

Aminado naman si Diwata na napagsasabihan niya ang ilan lalo na ang mga basta-basta na lang lumalapit at nagpapakuha sa kaniya ng larawan.

Ang ilang vloggers naman na nakikipag-collab sa kaniya ay kumuha raw ng appointment sa kaniya bago siya puntahan.

Tsika at Intriga

Baron Geisler, tinantanan na ang anak kay Nadia Montenegro

Sa isang video clip na ibinahagi sa Facebook page na "Mga Ka Pobre," nakiusap na si Diwata na fans na huwag siyang dumugin lalo na kung business hours o oras ng trabaho niya sa kaniyang mga negosyo.

"Baka naman puwedeng magtrabaho muna ako, 'di na ako makapagtrabaho eh. May time naman para sa interview at vlogging. Bigyan n'yo naman ako ng time para makakilos sa tindahan ko kasi mas priority sa akin ang tindahan ko. Paano ko 'yan maha-handle kung diyan na lang ako nakaharap sa camera ninyo. Tama po ba? Hindi ko na maasikaso. Hindi ko na nga alam kung may nangungupit na..." real talk ni Diwata habang nakadungaw sa bintana ng kaniyang bahay.

Huwag raw sanang sabihin ng mga tao na masama ang ugali niya kapag hindi napagbigyan. Nagpapasalamat daw siya sa mainit na suporta at kasikatang natatamasa niya ngayon, subalit sana raw ay maunawaan ng mga tao na naghahanapbuhay rin siya. Kung lagi na lang daw siyang nakatingin sa camera ng vloggers ay wala na siyang matatapos.

Ang ilan pang napagsasabihan ay agad na ina-upload ang video niya sa social media at pinapalabas na masama ang ugali o nagbago na siya.

Kaya apela ni Diwata, huwag sana siyang istorbohin kapag abala siya upang makapokus siya sa mga negosyo niya.